Princess Earl Marie G. Dael, Jezreel Vincent D. Abiar at Antonette R. Dumaboc
Region X
Mula sa pagiging batang walang interes at walang masyadong direksyon ang buhay, nagsumikap siya kahit naging mahirap man ang pinagdaanan. Patuloy pa rin siya sa pag-abot ng pangarap dahil alam niyang may naghihintay sa kanyang magandang bukas. Mga payo ng magulang na kanyang pinakinggan ang siyang nagtulak sa kanyang maging matatag.
Tubong Cebu City si Richard “Popoy” Gonzales. Wala umano siyang hilig sa paglalaro ng table tennis nang una siyang hinikayat ng kanyang ama at hinihila palagi sa laruan nito. Pera ang nag-udyok sa kanya na nagsimulang maglaro noong siya’y 13-anyos hanggang sa unti-unti nang napamahal sa kanya ang laro.
Nagsimulang sumabak si Gonzales sa Southeast Asian (SEA) Games noong 1995 sa Chiang Mai, Thailand, 24 taon na ang nakalilipas. Ayon sa kanya, ang pagtitiis para sa ating bansa ang mas nagpapalakas sa kanya.
“I will not stop trying to win honor for my motherland. I will not stop at everything,” aniya.
Nanalo siya sa try-outs ng national team noong siya ay 29 pa lamang nang lumipat siya sa pagiging isang regular na International Table Tennis Federation (ITTF) approved bat. Nang umikot ang kanyang buhay sa paglalaro ng table tennis, doon siya nagsimulang magsanay mula Lunes hanggang Biyernes, tatlong oras bawat umaga at hapon, at siya ay naging bahagi ng national team sa loob ng 20 taon.
Labis ang kanyang pagmamalaki na kumatawan sa Pilipinas. Bilang isang Army reservist, ang paglalaro diumano sa mga internasyunal na kompetisyon ay maihahalintulad sa pakikipaglaban sa isang giyera para sa bayan.
“Unang-una, ito ang tumulong sa akin, iyong table tennis, parang dito na ako nagha-hanapbuhay. Pumasok ako sa military dahil sa larong ito,” ayon kay Gonzales.
Sa edad na 48, nakahakot na siya ng iba’t ibang parangal sa mga internasyunal na kompetisyon: 2017 SEA Games Malaysia Bronze Medalist, 2015 SEA Games Silver Medalist, 2013 World Sand Paper Championship Bronze Medalist, 2013 SEA Games Myanmar Bronze Medalist, 2011 SEA Games Indonesia Bronze Medalist, 2009 SEA Games Laos Bronze Medalist, 2008 SEATTA Seniors Indonesia Gold/Bronze Medalist, 2005 SEA Games Philippines Silver Medalist, at 1999 SEA Games Brunei Bronze Medalist.
Binansagan siya bilang “comeback kid” dahil sa taglay niyang katangian na hindi bastang pagsuko sa mga pagsubok na kanyang naranasan sa buhay. Mailalarawan ang kanyang estilo sa pagiging “cool” sa kabila ng pressure.
Ayon sa kanya, naranasan din niya ang pagkatalo at kung minsan, gusto na niyang tumigil sa paglalaro subalit mas pinili niyang ipagpatuloy ang pagsasanay upang mahubog pa ang kanyang kakayahan.
Ngayong 2019, muli niyang patutunayan ang kanyang kakayahan sa muli niyang pagsabak sa darating na SEA Games na gaganapin sa Subic Bay Convention Center sa Disyembre 6-10. Kabilang rin siya sa 10 delegado ng table tennis na lalahok sa training sa South Korea simula Hulyo hanggang Agosto.
Umaasa si Gonzales na maipagpatuloy ang kanyang paglalaro kabilang sa national team sa abot ng kanyang makakaya at nais niyang magturo upang ihasa ang kanyang kakayanan sa pagtuturo at maging tagapagsanay sa national team kapag siya’y nagretiro na.
Payo niya sa mga kabataang nangangarap na umasenso sa larangan ng isports, pagkakaroon ng maayos na pagsasanay, pokus sa paglalaro, at pakikinig sa bawat payo ng mga coaches ang sikreto upang magtagumpay sa laro ng buhay.
WAKAS