Niel Zsun John S. Vega
Region XII
Hinamon ni basketball icon at dating Gilas star Donald “Dondon” Hontiveros ang lahat ng mga batang basketbolista sa ginanap na kauna-unahang “Sports Heroes Day” ng Palarong Pambansa na ipagpatuloy ang pangarap at huwag mawalan ng pag-asa.
Inihayag niyang ang susi sa kung saan man ang narating niya ngayon ay dahil sa patuloy siyang nagpursigi at hindi sumuko sa buhay.
“Marami ang nagsabi noon sa akin na wala raw akong mararating, na hanggang diyan ka lang. Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa sa buhay,” giit ng dating PBA player.
Binigyan niya rin ng tuon ang mga taong naging bahagi ng kanyang tagumpay at pinayuhan ang mga batang atleta na sumunod sa mga itinuturo ng kanilang mga tagapagsanay sapagkat ito ang kanilang magagamit sa pang-araw-araw na buhay bilang atleta.
“Humugot kayo ng lakas sa inyong mga magulang, guro, kapwa atleta at mga coaches dahil lahat ay gagawin nila para sa kapakanan ninyo,” dagdag pa ng beteranong PBA champion.
Sa pahayag naman ni Paul Apolinario, tubong South Cotabato at basketball fan na umiidolo kay Hontiveros, masayang-masaya siya sa bihirang pagkakataong ito.
“Hindi ko inaasahan na makikita ko sa Palarong Pambansa ang idolo kong atleta mula sa Alaska… Hindi man ako magiging tulad niyang superstar, ang importante nakasama ko siya kahit ngayon lang,” pahayag pa ni Apolinario.
Si Hontiveros ay isa na ngayong sports advocate ng Philippine Sports Commission at naka-base sa lungsod ng Cebu. Nakikipagtulungan siya sa iba’t ibang foundation para sa mga batang lansangan upang maibahagi ang kahalagahan ng isports.
WAKAS