Noel C. Madjus, Jr.
Region VII

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang opisyal na pagbubukas ng ika-62 na edisyon ng Palarong Pambansa na dinaluhan ng mahigit 18,000 na delegado at panauhin mula sa iba’t-ibang rehiyon ng Pilipinas. Naging makasaysayan ang nasabing seremonya na naganap sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Mindanao Sports Complex nitong Linggo.

Tanging si Presidente Duterte ang pangulo ng bansa na nakapagtala ng tatlong taong sunud-sunod na pagdalo sa nasabing pampalakasan.

Binuksan ang makulay na seremonya sa pamamagitan ng pagsayaw ng mga piling estudyante mula sa iba’t-ibang paaralan sa Davao. Iba’t-ibang anyo ng pagsasayaw ang kanilang ibinahagi: folk dance.cheerleading at hip-hop.

Samantala, nag-iwan ng isang maikli ngunit makabuluhang mensahe ang alkalde ng lungsod ng Davao na si Sara Z. Duterte-Carpio sa pamamagitan ng isang video clip. Ang anak ng pangulo ay kasalukuyang nasa lalawigan ng Camuigin para sa isang mahalagang pagtitipon.

ANG PAGBUBUKAS. Opisyal ng binuksan ang ang 2019 Palarong Pambansa ngayong Abril 28 , 2019 sa Davao City kung saan dumalo ang Pangulong Duterte at nagbigay ng mensahe para sa mga atletang naghahangad na maging bahagi ng national team ng Pilipinas. (Photo by Rethey Jane T. Lapis)

Naghatid din ng mensahe ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Leonor Magtolis Briones. Nagbigay siya ng pasasalamat sa presidente sa lahat ng tulong at suporta sa kanyang ahensya.

Huling nagbigay ng mensahe ang Pangulo na umabot ng mahigit dalawampung minuto. Nabanggit nya ang mga mahahalagang isyu sa lipunan tulad ng droga at korupsyon. Nag-iwan din siya ng isang kataga patungkol sa karapatan ng kabataan.

Aniya, “Ang tanging bagay na kailangan ng bansang ito ay para sa iyo, mga kabataan, na igiit ang iyong mga karapatan.”

“Shaping the Future through Sports” ang tema sa Palarong Pambansa ngayong taon.

Matatandaan na naging mahigpit ang seguridad ng nasabing okasyon. Todo-bantay ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng Presidential Security Group (PSG) para masigurong ligtas ang lahat mula sa anumang banta sa seguridad.

Bago nagtapos ang seremonya, nagpamalas ang mga anak ng Dabaw ng fire dance na nagbigay-aliw sa mga manonood. Sinundan pa ito ng mga awiting handog ni Daryl Ong, isang sikat na mang-aawit sa bansa.

END