Ian Paul Gualberto
Region IV-A CALABARZON
Patuloy pa rin ang pagkubra ng CALABARZON at NCR ng mga pwesto upang tuluyang makaratsada sa finals.
Sinelyuhan nina CALABARZON gymnast Allyza Fae Lutero at National Capital Region gymnast Daniella Grace Asuncion ang tig-isang pwesto sa finals matapos nilang umariba sa Aero Gymnastics–Individual Women qualifying round ng 2019 Palarong Pambansa sa Malayan Colleges Mindanao, Davao City noong Abril 30.
Sinigurado nina Lutero at Asuncion ang pagre-reyna makaraang kapwa kumamada ng 12.250 kartada buhat sa kanilang aerobic gymnastics piece upang mabarikadahan ang ikatlong silya sa buong torneyo.
Naunang bumirada ang tubong Quezon Province na si Lutero nang pakawalan niya ang kanyang kakaibang routine kabilang ang mga rotations, jumps, at splits upang agad na manguna sa pagbubukas ng tunggalian.
Mabilis na diniskaril ni Asuncion ang pamamayagpag ni Lutero matapos yanigin ang podium upang makihati siya sa liderato.
Ngunit agad silang naungusan nina Uriell Mychael Custodio ng Region 6 na nagrehistro naman ng 12.300 bentahe at isa pang NCR gymnast na si Samantha Nicole Danao na nagpinta ng 13.200 kalamangan upang tuluyang malaglag sa ikatlo ang CALABARZON at ka-tropang NCR gymnast.
“Sabay-sabay sila at synchronized sila gumalaw. Tapos ‘yung composition ng routine nila ay tama. Siguro we must improve ang artistry ng routine, malaki ang galaw, at mas creative so they can improve a lot,” saad ng isa sa mga coaches ng CALABARZON.
Napako naman sa ika-limang pwesto si Region 12 aero gymnast Charise Belbider makaraang iukit ang 12.200 na pagsulong kasama rin sina Ina Tundag (12.100), Vrence Pamularco (11.850), at Shane Mendavia (11.800) na kapwa bumiyahe patungong finals.
Didiretso naman ang walong qualifying winners sa finals upang kapwa makipag-gitgitan para sa inaasam na medalya.
WAKAS