Jolina I. Bado
Region 1
“Walang imposible kung magtitiwala ka sa sarili mo” – Kent Brian Celeste
Hangad niya ay tagumpay. Dumadaloy sa kanyang dugo ang tinatagong berdugo na ayaw malugmok sa pagkatalo. Sa Anda National High School ng Pangasinan, isang beteranong manlalaro ang patuloy na lumalaban upang matawag na kampeon at idolo.
Nagsimula siya noong nasa ikaapat na baitang sa panonood-nood lang ng mga atleta sa kanilang paaralan. Humanga at natuwa siya sa taas ng talon ng kanyang mga idolo. Sa paglipas ng ilang buwan, sinubukan na rin niya ito at siya ay nahumaling.
Tuloy-tuloy ang kanyang paglalaro at sinubukan na ring sumali sa kanilang paaralan. Ngunit ang kampeonato ay mailap at hanggang municipal meet lamang ang nararating niya.
“Maraming nagsasabi na hindi ko kaya, na hindi ako aangat sa isports na ito. Minamaliit nila ang aking kakayahan. Pero hindi ko sila pinansin at ginawa ko lang kung ano ang gusto ko,” sambit ni Kent.
Wala sa kanyang diksiyonaryo ang salitang sumuko. Nagpatuloy siya at mas nagpursige pa hanggang sa makuha na niya ang kanyang unang ginto sa high jump noong Region 1 Athletic Association (R1AA) 2016 na nagdala sa kanya sa 2017 Palarong Pambansa sa Antique. Pumangalawa siya at masayang iniuwi ang medalyang pilak.
Hindi pa iyan ang katapusan bagkus ito na ang simula ng kanyang tagumpay. Bitbit ang kanyang determinasyon, tiyaga at tiis, nasungkit na niya ang inaasam-asam na ginto sa 2018 Palarong Pambansa na ginanap sa Vigan, Ilocos Sur. Sa taas na 1.99 meters, tinanghal siyang record-breaker.
Ngayong taon ang ikatlong beses na pagsali niya ng Palarong Pambansa. Nakalulungkot dahil ito na rin ang huli dahil sa kanyang edad na 17. Pero masaya pa rin siya dahil malaking karangalan ang iiwan niya.
Ngunit sa kabila ng matatamis na ngiti at tagumpay ay ang malungkot na pangyayari sa kanyang buhay. Lumaki siyang walang nakasamang magulang at tanging ang kanyang lola Caridad ang nag-alaga sa kanya. Ang kanyang ina at ama ay may kanya-kanya nang pamilya.
Labis na pangungulila ang mababakas sa kanyang mga mata. Sa likod ng pagiging masiyahin ay ang malungkot na mukha na nagsasabing “gusto kong makita ang aking ina.”
“Sa paglalaro ko ng high jump, ito ang naging dahilan para makita ko ang aking ina. Simula noong pinanganak ako hanggang noong 16 years old ako, hindi ko pa siya nakikita. Kaya last year noong naglaro ako sa Philippine National Games sa Cebu, ‘di ko akalain na kami’y magkita,” sambit ni Kent.
Muntik nang hindi natuloy ang kanilang pagkikita dahil walang pamasahe ang kanyang ina ngunit gumawa ng paraan ang kanyang tagapagsanay na si Jomar Carido magkita lamang sila sa unang pagkakataon.
“Hindi na ako nagdalawang-isip na tulungan sila dahil napakabait niyang bata, napaka-humble at down-to-earth. Wala kang masasabi kasi sa lahat ng pinagdaanan niya na walang magulang sa kanyang tabi, hindi siya napariwara. Ni minsan hindi ko siya nakitang sumama sa barkada. Ni minsan hindi ko siya nakitang humawak ng sigarilyo at alak,” pagmamalaki ni Carido kay Kent.
Mahigpit na yakap ang iginawad niya sa kanyang ina sa kanilang pagkikita na nagpapakita ng lubos na pangungulila. Ganoon man ang nangyari sa kanilang pamilya, lumabas sa kanyang bibig na mahal na mahal niya ang kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina. Ang mga kamay niyang nakayakap sa ina ay ayaw ng bumitaw na parang sinasabing gusto pa niya itong makasama nang matagal. Sobrang saya niya nang marinig na ang kanyang mga kapatid ay kagaya rin niyang atleta.
“Napakasaya ko dahil pagkatapos ng 16 years na pangungulila sa aking ina ay natuldukan na. Ngunit hindi pa rin mawawala ang lungkot dahil alam kong kaunting oras lang ang meron kami. Pero hindi pa rin ako susuko dahil balang-araw, alam kong magkakasama rin kami nang matagal,” nakangiting sambit niya.
Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang tagapagsanay dahil ito ang nagsilbing magulang niya bukod sa kanyang lola. Kung wala ang sir Jomar niya, hindi niya makikita at makakasama ang kanyang ina.
“Gusto kong suklian ang kabutihan ni sir sa akin sa pamamagitan ng pagsasanay nang mas mabuti at gagalingan ko pa sa aking mga susunod na laban,” saad ni Kent.
Hindi rin niya malilimutan ang lubos na pagmamahal at pag-aalaga sa kanya ng kanyang lola. Pinakain, pinag-aral at sinuportahan ang kanyang pangarap kahit mahirap dahil wala itong trabaho at matanda na.
“Nagpapasalamat din ako sa Panginoon dahil may lola ako na kahit 80 years old na ay malakas pa rin. Lahat ng sakripisyo na pwede niyang gawin, ginawa na niya maibigay lang ang pangangailangan ko,” pagmamalaking sambit ni Kent.
Hindi niya ikinakahiya ang kanyang pagiging benepisaryo ng programang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) at lalong hindi niya ikinakahiya na isa siyang delivery boy ng tubig. Lunes hanggang Biyernes ay nag-aaral at nag-eensayo siya habang sa Sabado at Linggo ay nagde-deliver siya para may baon sa pagpasok. At sa tulong ng mga premyong napapanalunan niya sa Palarong Pambansa, natubos na niya ang kanilang lupa at nakabayad na rin ng utang ang kanilang pamilya.
“Malaki talaga ang naitulong ng isport na meron ako sa aking buhay,” sambit ni Kent.
Hindi siya nagreklamo sa buhay na meron siya. Hindi niya sinisi ang Panginoon kung bakit iniwan siya ng kanyang magulang dahil maraming nagmamahal sa kanya. Hindi ito naging hadlang sa pagkamit ng kanyang tagumpay. Ginawa niya itong inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanyang sinimulan.
“Kung may pangarap, gawin ang lahat para makuha iyon. Huwag na huwag sumuko,” ito ang katagang pinanghahawakan niya para matupad ang kanyang pangarap na maging guro balang-araw. Gusto niyang ituro ang mga natutunan niya sa mga bata na nangangarap na maging katulad niya.
At sa hindi inaasahan, isang linya ang kanyang huling binitawan na tumatak sa aking puso’t-isipan – “Nang dahil sa aking mataas na lundag, buhay ko ay nabago at nakita ko pa ang nanay ko.”
Kabataang kagaya niya ay dapat hangaan.
Biyayang natanggap sa Diyos ay ginagamit niya sa wastong paraan.
Champion at idolo sa mata ng karamihan
Kent Brian Celeste, ang hinahangaan na star player ng Region 1.