Jezreel Vincent D. Abiar
Region X

Hindi inaasahan ng Palaro first-timer mula sa Western Visayas na si Alfrence Braza na maikubra ang ginto sa 5000-meter event sa ikalawang araw ng Palarong Pambansa 2019 sa Davao City.

Nagpahuli sa kalagitnaan ng laban, ang 17-taong-gulang na manlalaro ay humarurot patungong finish line na may 300 metro na lang ang nalalabi, dahilan upang siya’y magtapos ng 15:56.94 at maunahan niya ng halos dalawang segundo si Jaspher Delfino ng Bicol Region, 15:58.34.

Ayon kay Braza, “Nagpahuli po ako noong una para sa last lap ay may lakas pa po ako.”

Aminado ang tubong Mandurriao, Iloilo City na kinabahan siya bago nagsimula ang laban nang makita niya ang 30 kalahok lalo na ang kampeon sa Palaro 2018 na si Erwin Mancao ng Northern Mindanao.

“Hindi ko in-expect na makuha ko ang ginto dahil gold medalist po ang isa sa nakalaban ko at nakapunta na po siya ng ibang bansa para mag-compete,” aniya.

Isa sa mga nagpahugot ng kanyang lakas ay ang kanyang pamilya—ang kanyang ama na kasalukuyang security guard at ang inang maybahay na kanyang tinutulungan sa pamamagitan ng pagsali sa mga events. Ginagamit ang kanyang mga napanalunan upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Bakas sa mukha ni Alfrence Braza ang kasiyahang nadarama matapos daigin ang 30 kalahok sa 5000-meter run sa University of Mindanao Matina Campus, Davao City, Abril 30, 2019. Kuha ni Deric Herald Jornales

Lalong nabigyan ng lakas ng loob si Braza at umaasang maiuwi rin niya ang ginto sa ibang events na kaniyang sasalihan sa susunod na araw.

Sabi niya, “Grabe ang faith ko kay God na matulungan niya po ako upang manalo.”

Nakuha ni Delfino ang pilak habang napasakamay ng kasamahan ni Braza na si Ritchie Estampador ang bronze, 16:13.54.

Samantala, bigong makapasok sa top 3 ang nakaraang kampeon na si Mancao nang natanggal ang kanyang spikes sa unang lap at tuluyang tumigil sa ika-pitong lap.

Sa kabila ng nangyari, tanggap pa rin niya ang resulta at hindi nawalan ng pag-asang manalo sa susunod na events na kanyang lalahukan.

Pahayag ni Mancao, “Normal lang naman na may mangayayari na hindi mo inaasahan dahil parte lang iyon ng laro.”

WAKAS