Zach Nonaillada
Region IX
LUNGSOD NG DAVAO – Matatalim na drop shots na hinaluan ng mapanlinlang na diversionary attacks ang ibinalangkas nina Nilo Ledama, Eric Jay Tangub, at Stephen Zion Guta ng Zamboanga Sharks upang iratsada ang unang ginto ng Rehiyon Nuwebe kontra CALABARZON Heroes, 2-0 sa kanilang umaatikabong kampeonato sa lawn tennis–secondary boys ng 2019 Palarong Pambansa na ginanap sa GSIS Heights Tennis Court–Matina.
Naiposte ni Ledama ang unang puntos ng laro matapos maungusan ang kalaban mula Rehiyon 4A sa isang gitgitang paghaharap sa singles, 9-7 na sinundan pa ng isang puntos matapos maghari ang tambalang Tangub at Guta sa doubles, 8-3.
Tila nahirapan ang five-time Palaro player para sa singles nang ilatag ng katunggali ang mga mala-kidlat na aces ngunit hinay-hinay na naikabig ni Ledama ang manibela ng laban gamit ang mga matitinik na service aces dahilan upang magtabla ang dalawa, 3-3.
Nagpatuloy ang debatehan ng dalawang panig hanggang umabot muli sa 6-6 deadlock, ngunit nalupig ng Heroes ang Sharks gamit ang mga pulso ng mga tira at chops dahilan upang unang makatungtong ang pambato ng Rehiyon 4A sa set point, 7-6.
Agad bumalikwas ang beteranong tennis player ng Zamboanga Sharks gamit ang mga malabalang spins na direktang tumatagos sa namumutlang depensa ng manok ng CALABARZON na tuluyang pumutol sa malakadenang banggaan ng dalawa, 9-7.
Habang ang mga manlalaro ay todo sa paghampas ng mga malaapoy na tira, siya namang palakpakan at hiyawan ng daan-daang manonood na mas lalo pang nagpainit sa laban kasabay ng nagbabagang sikat ng araw.
Matapos maangkin ng Rehiyon Nuwebe ang unang set, agad bumira ang tambalang Tangub at Guta na dinaan ang unang parte ng doubles sa malabagyong drop shots na maagang nagbigay ng 3-0 run kontra sa manok ng Heroes.
Agad nakabawi ang CALABARZON nang makitaan ng Heroes duo ng butas sa depensa ng Sharksduo dahilan upang maiangat nito ang kanilang iskor patungong 3-2.
Tinapatan ito ng Rehiyon Nuwebe ng mga mapanlinlang na diversionary attacks na naglaan ng 4-0 run para kina Tangub at Guta na muling naglagay sa kanila sa trono, 7-2.
Nasubukang makadagdag ng isang puntos ng Rehiyon 4A nang paigtingin nito ang depensa, 7-3 ngunit hindi nito napigilan ang mga malasadistang drop shots at smashes nina Tangub at Guta na tuluyang nagbulsa ng ginto para sa Zamboanga Sharks.
“Determination, perseverance and of course, teamwork,” pangising pahayag ni Adely Mendoza, tagapagsanay ng grupo, sa kung ano ang mga alas nila sa laro.
Dagdag pa niya, isa rin sa mga aspetong nakatulong sa kanila ang experience ng mga atleta, “Our players already competed in international games. Since elementary, they gave pride to our region because most of the time, our golds came from them.”
Agad humiyaw ang Sharks dala ang unang ginto para sa Rehiyon Nuwebe.
WAKAS