Precious Alliah Sison
Region III

Tiwala — buong pusong paniniwala, maging sa mga bagay na hindi mo nakikita.

Positibong pananaw sa buhay ang puhunan ni Aramina M. Andojar, isang non-graded na mag-aaral at atleta mula sa Old Cabalan Integrated School sa Olongapo City.

Sa edad na 18 taong gulang ay maaga siyang nawalan ng paningin. Ganoon pa man, hindi ito naging hadlang upang maipamalas at mapatunayan niya ang kaniyang galing sa larangan ng isports.

Sa katunayan, ikatlong beses niya na ngayong taon na sumali sa Palarong Pambansa dahil kalahok din siya noong taong 2017 at 2018 sa paralympic-athletics. Dalawang taon siyang nahinto sa paglalaro, ngunit mababakas sa kaniya hanggang ngayon ang nanatiling sigla ng isang manlalaro — may determinasyon at patuloy na nagsusumikap.

Patuloy na lumalaban si Aramina Andojar ng Central Luzon sa kabila ng kaniyang pagiging visually impaired para sa kaniyang pangarap bilang atleta sa larangan ng larong Athletics. Kuha ni Bea Bianca Mastrili

Taong 2012 nang siya ay mabulag kasunod ng isang matinding lagnat. Ayon kay Aramina, tatlong araw siyang komatos sa ospital at wala na siyang makita sa kaniyang paggising.

Hindi niya inaasahan ang mga nangyari, subalit matindi man ang palo ng mga pagsubok ay nanatili siyang matatag sapagkat alam niyang nandiyan ang kaniyang pamilya bilang inspirasyon at mga taong taos pusong sumusuporta sa kaniya.

Sa kabila ng mga nangyari at kasalukuyan niyang pinagdadaanan ngayon— isa lang ang sigurado. Hindi bulag ang Diyos, sapagkat hindi man nakakikita si Aramina ay pinadalhan siya ng Maykapal ng mga taong makikita ang kahusayan ng isang determinadong atleta.

Patunay nito na mas nasisilayan pa ng mga tulad niya ang tunay na saysay ng buhay. Mas alam nila kung paano lumaban at magpatuloy, kahit pa sa mga pagkakataon na hindi tiyak at madilim ang landas na tatahakin. Nagtitiwala lamang si Aramina na maganda ang plano sa buhay niya, kahit hindi niya ito nakikita.

WAKAS