Ian Paul Gualberto
Region IV-A CALABARZON
Sa loob ng maraming taon ay umeskapo na sa wakas ang CALABARZON Sepak Takraw Team sa ilang ulit na hindi nila pagkapasok sa quarter finals.
Tinakasan ng CALABARZON Regu ang ilang taong pagkakalugmok matapos nilang sibakin ang katunggaling Central Luzon Regu, 21-11 at 21-16, upang tuluyang makakubra ng kauna-unahan nilang silya sa quarter finals ng 2019 Palarong Pambansa Secondary Girls – Sepak Takraw noong Miyerkules sa Davao City National High School.
Naipukol ng CALABARZON ang dalawang sunod na ratsada makaraang pakawalan ang kanilang matinding opensa sa tulong na rin ng mga solidong kicks upang maibagahe ang pamumuno sa bracket C ng elimination round.
Bumirada agad ang CALABARZON Secondary Girls Regu nang agad na makapaglatag ng 17-8 kartada buhat sa mga pasok na hits at kicks kasama rin ang makailang service errors ng katunggaling Central Luzon Sepak Takraw Team upang agad na yanigin ang pagbubukas ng girian.
Nagrehistro muli ang Central Luzon ng sunud-sunod pang service errors at mahinang depensa, dahilan para maidiretso ng CALABARZON ang kanilang pag-ariba.
Pinanindigan nina Tekong Ma. Teresa Sonet, Spiker May Anne Lumanta, at Feeder Arabela Piodina ang arangkada ng CALABARZON nang maipagpatuloy nila ang pagbalandra ng solidong opensa at maiukit ang 20-11 bentahe sa kalagitnaan ng ikalawang kanto.
Ngunit agad na diniskaril ng Central Luzon ang pagre-reyna ng kagirian matapos samantalahin ang paghina ng depensa ng CALABARZON at subuking bumangon mula sa 9-point deficit at itaas sa 20-16 ang pag-abante.
Subalit hindi nagpatinag ang CALABARZON makaraang tuluyan nang isara ang tunggalian buhat sa service error ng Central Luzon upang maselyuhan ang inaasam na spot sa quarter finals.
“As you can see, we gain confidence from prayer. We see to it na bago kami magsimula ng bawat game, every time na magta-timeout yung kalaban, we take that opportunity to pray to ask for God’s wisdom and strength,” saad ni Coach Elena Villano ng CALABARZON.
“We are planning to improve ‘yung setting at pagpalo ng mga player so that we can improve a lot sa quarter finals,” dagdag pa niya.
Inaasahang makakatunggali ng CALABARZON sa quarter finals ang sinumang mananalo sa iba pang bracket upang tuluyang malaman ang makakaabot sa finals.
WAKAS