Michael John E. Lavendia
Region VIII

Disiplinado.
Progresibo.
Organisado.

Ito ang kaagad na mapapansin ng sinumang turistang bumibisita sa Davao City. Tila taliwas sa mga pinupuna ng iba sa Pangulong nagmula sa lungsod sa ito. Palamura daw at walang puso, ‘yan ang karaniwang mga sinasabi ng ibang tao sa Pangulo. Ngunit kung makakapunta ka na sa Davao, masasabi mong ganito pala pangalagaan ng Pangulo ang kaniyang lugar at ang mga Dabawenyo.

Sa aming paglilibot, habang nangangalap kami ng mga impormasyon tungkol sa iba’t ibang mga larong pinaglalaban ng mga atleta sa 2019 Palarong Pambansa, napansin naming ang mga Dabawenyo ay tunay ngang disiplinado. Pag sinabi, halimbawa, na “bawal ang mag-sigarilyo,” “bawal mag karaoke tuwing gabe” at “bawal ang uminom sa labas,” lahat ay susunod. Lahat ay makikinig.

Kahit na isang napakalaki at napakalawak na siyudad ito, hindi ito masyadong maingay. Tanging mga tunog ng mga naghahabulang sasakyan ang iyong maririnig. Kahit na nasa labas ka o naglalakad sa kalsada, wala kang maririnig na mga kumakanta sa karaoke. Wala kang makikitang kumpol-kumpol ng mga tambay na nag-iinuman sa labas. Wala kang makikitang nagsisigarilyo.

Disiplinado rin ang mga Dabawenyo pagdating sa aspekto ng kalinisan. Kahit na ito ang pinakamalaking siyudad sa buong Pilipinas ay napananatili pa rin nilang malinis ang mga daan at nakahiwa-hiwalay talaga ang mga basura. Ang mga paaralan na nagsisilbing pansamantalang tahanan ng mga delegado ng 2019 Palarong Pambansa ay malilinis. Pati rin ang mga puno’t halaman ay tumutubo nang maayos dahil sa malinis ang kapaligiran.

Sa tatlong taon kong pagsali sa National Schools Press Conference, kung saan napuntahan ko na ang ilang mga pangunahing siyudad sa bansa, ang Davao City ay isa sa mga progresibong siyudad na napuntahan ko. Marami na ang mga naitayong mall, mga gusali, at mga footbridge, isang pagkakakilanlan na umuusbong na ang ekonomiya ng siyudad. Kahit na ganito na kaunlad an gsiyudad na ito, wala kang dapat ipag-alala pagdating sa seguridad. Kahit anong oras ka lumabas walang gagalaw, walang mangho-holdap, at walang mananakit sa’yo dahil mahigpit at mas pinaigting ang seguridad sa siyudad na ito.

BISITAHIN SARILING ATIN. Ang pagtungtong sa natatanging pasyalang People’s Park ng Davao City ay tila isang pagpapatibay ng pagsasama ng pamilya at pagmamalaki sa natatanging ganda ng lungsod na tinagurian bilang pinakaligtas at isa sa pinakamagandang siyudad sa buong bansa (Litrato ni Katrina Sophia V. Garciso, Region VIII).

Sa tatlong malalaking distritong bumubuo sa Davao City, kahit saan ka mang parte ng siyudad pumunta makikita mong progresibo na talaga ito. Kahit saan dito ay may mga malalaking gusali na ang itinayo at kasalukuyang itinatayo. Taxi at jeep ang karaniwang sinasakyan ng mga tao rito. May mga traysikel din naman, pero mangilan-ngilan lang. Pero kahit na marami na ang mga sasakyan sa bawat pangunahing lansangan ng siyudad, napananatili pa rin nilang maayos ang takbo ng trapiko.

Sa Davao City rin nakita ang pinakamalaking agila sa Pilipinas, na siya ring tinuturing na pinakamalaki sa buong mundo. Isa sa tourist spots dito ang Philippine Eagle Center (PEC) na may mahigit sa 30 na agila ang pinangangalagaan. Iba’t ibang uri ng mga ibon ang makikita rito. Kung dati’y sa telebisyon niyo lang nakikita ang imahe ng isang agila, dito sa PEC makikita ninyo ang kakisigan, kagwapuhan, at kapangyarihan ng hari ng kalangitan, ang Haring Ibong agila.

Isa rin sa pinagmamalaki ng mga Dabawenyo ang kanilang masarap na durian. Kahit na hindi ito kabanguhan, ipinagmamalaki pa rin nila ang durian dahil sa kakaibang sarap na taglay nito. Sa katunayan, ang durian ay isa sa patok na flavor ng mga pagkain tulad ng ice cream, cakes, kendi, pastillas, at marami pang iba.

‘Pag pumunta kayo sa Davao, ‘wag niyong kalimutang pumunta sa People’s Park, dahil pwede niyo ditong isama ang iyong mga kamag-anak, lalung-lalo na ang mga bata dahil siguradong mag-e-enjoy sila rito. Walang bayad ang pagpasok dito. Huwag niyong kalimutang magdala ng camera dahil may iba’t ibang mga estatwa ng agila, ng iba’t ibang tribo dito sa Davao, at marami pang iba na pweden-pwedeng kunan ng litrato. Dito rin sa People’s Park mararanasan ang tinatawag na tunay na bonding ng magkaka-pamilya, magkakamag-anak, magkakaibigan, at magkaka-ibigan.

Sa mahigit sampung araw na pananatili mamin dito sa Davao City, respeto, seguridad, kalinisan at disiplina ang aming namalas at naramdaman sa mga Dabawenyo. Tunay ngang ang totoong yaman ng isang lugar ay hindi sa matatayog na gusali at nag-gagandahang parke makikita, kundi sa paggalang at buti ng kalooban ng mga naninirahan.

WAKAS