Jessica Gaspang
Region VIII
Life is here.
Huling matatandaang ipinagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Davao City noong nangangampanya pa lamang siya sa pagka-pangulo.
Malinis, ligtas at maunlad. ‘Yan ang kaniyang mga salitang ginamit sa paglalarawan ng nasabing siyudad. Ang pangulo ngayon ng Republika ng Pilipinas ay unang nanungkulan bilang alkalde ng Davao City.
Sa aking ilang araw na pananatili dito sa Davao, pansin ko ang kaunlaran, kaligtasan, at kalinisan ng kapaligiran. Ang mga salitang binitawan ng Pangulo noon ay akala ko’y panlilinlang lamang ngunit lubha palang makatotohanan.
Sa bawat sulok ng siyudad ay iyong makikita ang mga pulis at sundalo na nagbabantay. Sa katunayan, pagpapasok mo pa lamang sa Davao City ay nakaabang na ang Davao City Task Force upang mag-inspeksiyon sa lahat ng papasok sa kanilang siyudad. Bawat paaralan o billeting quarters ay may mga naka-abang na mga pulis. Labis na mahigpit ang seguridad dahil nang pumunta kami sa Apolinario Mabini Central School, kung saan doon nanunuluyan ang pambato ng aming rehiyon, and Eastern Visayas Golden Stingers (Region VIII), ay binusisi nila ang aming mga dalang bag, in-interview saglit, at binigyan ng visitors pass bago makapasok.
Kung kalinisan din ang pag-uusapan hindi magpapahuli ang naturang siyudad sapagkat sa bawat kalyeng iyong daraanan wala basurang nakakalat. ‘Yong tipong dahil sa sobrang linis ay makokonsiyensa ka kung magtatapon ka ng iyong basura.
Kabilang din ang siyudad sa mauunlad na mga siyudad sa bansa. Unang tanaw palang ay alam mong maunlad ito na tila bang kakaunti lamang ang nag-hihirap. Kwento pa nga ng isang taxi driver nang itinuro niya ang isang pribadong ospital dito sa Davao City, alkalde pa lamang daw si Pangulong Duterte noon ng ipatayo ang ospital ng isang pribadong organisasyon. Inalok daw nila ng pera ang Pangulo upang pumayag sa gagawing establisyemento ngunit hindi niya ito tinanggap. Bagkus, nagkaroon sila ng usapan ng may-ari na gawing priority ang mga taga Davao City sa pagkuha ng mga empleyado.
Mga taong responsable, may respeto at masunurin, ganiyan ko mailalarawan ang mga Dabawenyo. Bawat batas ay kanilang sinusunod. May paggalang sa kung sinuman ang namumuno, sa kapwa, at maging sa kanilang bayan.
Davao City. Tunay kang kahanga-hanga. Tatatak sa aking puso’t isipan ang iyong ipinamalas na kabutihan. Hanggang sa kailanman, life is truly here.
WAKAS