Kristine D. Arnaiz
Region VIII
Ang Davao City ay isa sa pinakamalawak na siyudad sa bansa na may natatanging gandang. Base sa aking naranasan, hindi malilimutan ay ang pag-apak ko sa isang paslayan na kung tawagin ay ang People’s Park.
Wow. Salitang hindi ko ikinubli nang aking nasilayan ang tanging ganda ng paligid. Tunay ngang maipagmamalaki ito ng mga Dabawenyo dahil sa kaakit-akit na pasyalang ni minsan ay hindi ko pa nasilayan.
Bandang ala-sais ng gabi, tila sobrang nakakapagod ang buong araw nang maisipan naming pumunta sa People’s Park. Dahil bago pa lang kami rito ay nananalaytay sa amin ang pagkasabik na makita ang kabuuan ng parkeng ito. Pumara kami ng taxi at dali-daling sumakay upang tumungo sa nasabing lugar. Marami muna kaming dinaanan at marami kaming nakitang magagandang gusali bago narating ang destinasyong ito. Sa unang masid pa lang ay parang may enerhiyang umaakit sa amin na pumasok.
Ngiti. Ito ang tumambad sa amin nang pumasok kami sa loob. Mga taong may nakaaakit na ngiti at hindi nakabibinging halaklak ang siyang ummudyok sa amin na ituloy pa ang aming pamamasyal. Tunay na stress free ang lugar na ito dahil sa mga magagandang mga puno at halaman at preskong hangin. Bata man o matanda, ang parkeng ito ay bukas at handang mag-alay ng kasiyahan.
Sa loob nito ay may Children’s Park na sakto para sa mga batang nais maglaro, may ilaw na nakabibighani dahil sa iba’t ibang kulay, at siyempre pwede ka ring mag-picnic sa loob habang nanonood ng dancing fountain kasama ang tropa at maging ang buong pamilya. All-in ang pasyalang ito, ika nga, kaya hindi maikakailang maraming tao ang aming nakasalamuha nang marating namin ito. Dahil sa bihirang gandang minsan lang makita, sulit pa rin ang aming pagpunta.
Nang nalibot namin ang lawak ng lugar ay nasabi kong isa ito sa mga pasyalang nagmarka sa akin. Isang karanasang ang halaga ay parang natatanging ginto. Kahit na ay hindi ako taga-rito ay naramdaman pa rin namin ang pagmamahal nila dahil sa pagiging pala-kaibigan nila. Kahit na hindi namin sila lubusang kilala ay bakas pa rin ang ngiti sa kanilang mga labi at ang pag-galang na kanilang ipinamalas sa amin.
Kaya kung sa lahat ng mga pinagdadaanang pagsubok sa buhay, aba’y huwag magmukmok sa isang tabi. Puntahan na ang People’s Park dito sa Davao City at nang maramdaman mong ika’y stressed no more.
END