Bryan Mico Diosay
Region IV-B MIMAROPA

Labing-siyam na “haribon” (o haring ibon) na ang dumaan sa mga braso ni Domingo Tadena. Sa gulang na 71 taon, naka-imprinta na sa mga kulubot sa kanyang balat at sa bawat gatla sa kanyang mukha ang mga markang iniwan ng mga haring ibon ng Philippine Eagle Foundation. Bawat pagaspas, bawat kuko, bawat parte ng mga ito ay tinangka niyang pag-aralan, ngunit nakasisiguro siya kailanman na “Hindi natin sila kadugo. Hindi ko sila kadugo.”

Taong 1981, panahon ng tag-ulan sa gubat, panibagong mga inakay na naman ang sumubok na lumipad. Buwan ng Agosto noon, limang buwan nang naghihintay ang mga ito sa itaas ng mga higanteng puno sa mga bundok ng Apo, Kitanglad at Tiruray sa sentrong Mindanao.

Sa gulang na humugit kumulang na apatnapung taong gulang, hindi niya inakalang mapapadpad siya sa Baracatan, ang kauna-unahang breeding center ng noon ay tinatawag na mga monkey-eating eagle.

“Hindi kami umiikot sa mga gubat kundi dito lang [sa center].”

Akala niya noon ay malilibot niya ang buong lupain ng Mindanao para lamang maalagaan ang mga agila.

Tanging kasa-kasama niya noon ang Amerikanong biologist na si Ronald Trupa. Sa liblib na lugar sa Timog Mindanao, nanatili siyang kasama ang iba’t ibang grupo ng mga katutubo at ilang mga agilang pinag-aaralan.

Malayo siya sa kaniyang pamilya, malayo sa nakasanayan niyang trabaho bilang karpentero, gayunpaman napalapit na sa kanyang puso ang mga alaga niyang agila. Bata pa lamang siya, hilig na niya ang pakikipagkaibigan sa mga ibon.

Kung babae o lalake man ang mga agilang pinag-aaralan nila ay hindi pa niya alam noon. May isang paraan para malaman ang kasarian nila ayon sa kasama niyang si Trupa: kolektahin ang mga dumi nito at saka isalang sa laboratoryo.

Makalipas ang tatlong taon, isang hindi inaasahang aksidente ang naganap. Habang ginagawa niya ang pang-araw-araw na paglalagay ng net na pangkolekta, una siyang tumungo sa isa niyang alaga—si Jola. Katulad ng ibang haribon ay nililigawan pa lamang niya ito: pina-iinom, pinakakain ng daga at pinatitikim ng iba’t ibang klase ng karne.

Habang nakaluhod siyang pumasok sa metal na kulungan ng reynang si Jola, agarang hinablot nito ang kanyang mukha at braso gamit ang matatalim nitong mga kuko. Nahiwa nang limang pulgada ang ibabang bahagi ng kaniyang mukha hanggang sa mga litid ng kaniyang leeg.
“Pagkatapos ay talagang galit na galit ako sa kaniya [Jola].”

Kailangan pang gumamit ng sipit para matanggal ang kuko ni Jola na nakabaon sa kanyang kamay.

Mahirap makuha ang tiwala ng mga agila. Ani Mang Domeng, “Sa tingin ko may galit talaga sila sa atin [mga tao].”

Parang kabute ang mga bahay ng tao na patuloy na humahamak sa mga bundok na tirahan ng mga haribon.

Tingin ng pag-uusisa. Matamang nakikinig ang mga mamamahayag ng MIMAROPA habang ibinabahagi ni Domingo Tadena ang kanyang mga karanasan bilang eagle keeper sa Philippine Eagle Center, April 26. KUHA NI JOJIROSE ANNE B. MONDING

Bagaman masidhi ang pagmamahal ni Tadena sa mga haribon, tunay na isang pagsubok din ito para sa kaniya. Makalipas ang tatlong araw na pahinga, kailangang bumalik siya sa kaniyang trabaho nang parang walang nangyari. Tuloy ang paroo’t parito sa paanan ng bundok: mula sa paghahanap ng pagkain at pagpapakain. Tuloy ang maiikling mga tulog sa gilid ng mga hawla o sa katre na siya mismo ang pumanday. Tuloy din ang pagtitiis sa kakarampot na pondo at sa paghihintay na madagdagan ito.

Hinarap niya ang mga pagsubok na ito kahit na nasa gitna siya ng putukan dulot ng bakbakan sa pagitan ng mga armadong grupo at mga sundalo. Dinig ng mga agila ang mga bombang itinatapon sandaang metro mula sa kanila. Para protektahan ang minamahal niyang mga agila, dinala nila Tadena ang mga ito sa paanan ng Bundok Apo, na siyang naging lokasyon ng nag-iisang matagumpay na Philippine Eagle Center.
Tuluyang nagsara ang Baracatan taong 1988. Ngunit bago pa man ito, nadiskubre na niya ang mga kinakailangang paraan sa pagpaparami ng mga agila: ang mga tamang edad at mga tamang pagkakataon.

Nagbunga ang kanyang mga sakripisyo. Humupa na ang galit niya kay Jola dahil naging ina na ito ng kauna-unahang haribon na nagmula sa artificial insemination—si Pag-asa. Kasabay ng pagpisa ni Pag-asa mula sa itlog ay ang mga taimtim na pagdiriwang, gayundin ang pagdating ng mga bisita at turista. Umulan ng pondo mula sa loob at labas ng bansa.

Ngayon, pangulo na si Tadena ng mga gawain sa Center. Nagkamit na rin siya ng isang karangalan—ang Ramon Aboitiz Award. Higit sa lahat, 28 na inakay na ang artipisyal na inalagaan ang napalaki sa Center.

Mula sa iisang taong tagabantay ng mga haribon, humantong ang Center sa isang komunidad ng eksperto na nakabase sa walong hektaryang lupain.

Aniya, “Kahit na pobre ako ay alam kong may naitutulong ako.”

Alam ni Mang Domeng na maihahalintulad ang kaniyang buhay kay Datu Pawa—pinuno ng isang tribong Bagobo sa Davao. Parehas silang napalayo sa kanilang pamilya para makita ang ganda ng haribon.

Ayon sa isang kuwentong bayan, habang nasa gubat ang datu ay dinagit ito ng isang haribon patungo sa mataas na pugad kung saan nakita ng datu ang paglaki ng isang inakay na haribon. Makalipas ang ilang buwan, nang tuluyan na itong lumaki, sinakyan niya ito upang makabalik sa kaniyang barangay.

Hindi man kadugo ni Mang Domeng ang mga agila, tuwina naman ay nakikita at nararamdaman niya ang tila lukso ng dugo sa isang maliit na marka sa kaniyang daliri. Ang markang ito ay dating isang sugat na may lamang kuko, simbolo ng kanyang mga sakripisyo.

Ang pinreserbang katawan ni Jola ay naka-display na ngayon sa loob ng isang kwadradong salamin. Si Pag-asa naman, ang kaniyang kampeon, ay pinili nilang manatili sa Center, simbolo ng tagumpay ng pagsusumikap na maparami pa ang pambansang ibon.

Parte na si Pag-asa ng kaniyang dugo. Mananatili silang magkasama at hindi na maghihiwalay pa.

WAKAS