ALS: Ang kwento ni Romnick, isang Security Guard

July 7, 2017

“Ang ALS ay isang  bituin na nagbibigay liwanag at pag-asa sa kadiliman  ng isang pangarap.”
– Romnick Atig Ancis
 
Ako si Romnick Atig Ancis, 28 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Lazi, Siquijor.
           
Mula nang ako’y bata pa lamang ay namulat na ako sa katotohanang ako ay isinilang na mahirap at salat sa buhay. Lima kaming magkakapatid.  Ang aking ama ay isang construction worker na kung minsan ay walang trabaho, habang ang aking ina ay nasa bahay lamang. Elementarya lamang ang aking natapos dahil hindi na kayang tustusan ng aking mga magulang ang aking pag-aaral.
 
Napakahirap ng naging buhay namin, kasing-dilim ng gabi kung saan mahirap hanapin ang liwanag  na magtatanglaw sa kadilimang bumabalot sa aking pangarap. Sa edad na labing tatlo (13) ay natuto na akong maghanapbuhay para makatulong sa pang-araw-araw na mga pangangailangan ng aming pamilya. Noong ako ay tumuntong sa edad na katorse (14), kinupkop ako ng aming kapitbahay na isang guro at naging kasambahay nila nang sa gayon ay may maitulong ako sa aking pamilya. Mabait ang aking naging amo. Sa katunayan, pinag-aral nila ako subalit mas ninais ko ang magtrabaho para may maibigay ako sa aking mga magulang upang kahit papaano ay may makain ang aking mga kapatid.
 
Ako po ay nagtrabaho rin bilang katulong sa motorshop ng isang kaibigan na mekaniko. Sa bawat araw na may nagpapaayos, matiyaga kong pinag-aaralan ang bawat sira ng isang motorsiklo, na sa kalaunan ay natutunan ko rin, at ito’y naging isang malaking tulong sa amin. Isang araw habang ako ay nagkukumpuni ng isang sirang motorsiklo, may lumapit sa akin at kinumbinsi akong mag-aral sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd). Ayon sa kanya, marami na raw ang nakapagtapos at nagkaroon ng magandang buhay dahil sa ALS. Hindi ako nagdalawang-isip at agad kong hinanap ang ALS  Mobile Teacher dito sa Lazi upang magpatala sa programa. Hindi ako nabigo dahil natanggap ako sa ALS. Pinirmahan ko ang Individual Learning Agreement upang maging maayos ang pagpasok ko sa ALS.
 
Habang ako ay nag-aaral ay patuloy pa rin akong nagtrabaho sa motorshop upang may pangtustos sa mga pangangailangan, lalong-lalo na ng aking pamilya. Dumating ang Oktubre 13, 2013, ang araw ng aming A&E Test. Sobra akong kinabahan subalit mas nanaig ang aking pananalig sa Poong Maykapal na kaya kong lagpasan ang pagsusulit.  Laking tuwa ko nang isang araw, dininig ng Diyos ang aking panalangin at ibinalita ng aking guro na isa ako sa mga pinalad na nakapasa. Taos-puso akong nagpasalamat sa ating Mahal na Panginoon at sa aming matiyagang guro. Ito na ang naging simula ng pagtupad sa aking mga pangarap.
 
Noong nakatapos ako sa ALS, napag-isipan kong sumali sa training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaroon ako ng NC III sa Driving. Lubos rin ang aking tuwa nang malaman kong naipasa ko ito. Isang araw, may nakilala akong kaibigan. Isa siyang security guard at inanyayahan niya akong mag-apply sa kanilang kumpanya. Dahil determinado akong magkaroon ng maayos na trabaho, sinubukan ko at kumuha ako ng Security License. Sa awa ng Diyos, ako ay natanggap sa kanilang security agency. Nasubukan kong magbantay sa iba’t ibang beach resorts at establisyemento dito sa probinsiya ng Siquijor.
 
Pagkalipas ng isang taon, ako ay nakapasok bilang Maintenance sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nang dalawang buwan. Matapos nito ay nag-apply ako bilang isang Security Guard muli sa DPWH na siyang trabaho ko hanggang ngayon.
 
Ang diploma na aking hawak ang siyang nagbigay pag-asa sa akin upang mangarap. Alam ko na hindi tanyag at kalakihan ang sahod ng aking trabaho kumpara sa mga guro, nars, abogado, pulis, at iba pa. Subalit, kaya kong ipagmalaki sa buong mundo na isa itong  biyayang ipinagkaloob sa akin na dapat kong mahalin at alagaan dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng maayos na trabaho.
 
Hindi natin dapat  alintana ang mga pagsubok sa buhay  bagkus ay dapat maging inspirasyon ang hirap at pagod sa araw-araw na pakikibaka sa mga hamon. Maging matiyaga, masipag at higit sa lahat manalig nang buong buo sa ating Poong Maykapal--tiyak na maging sa kadiliman, ang pangarap ay masisilayan rin na parang bituin  na nagbibigay  liwanag sa gabing madilim.
 
Sa lahat ng bumubuo ng Alternative Learning System, maraming salamat sa inyong walang sawang pagtulong sa kabila ng mga hirap at pagod na inyong dinaranas sa araw-araw na kayo ay naglalakbay maipaabot lang sa aming mga nawalan na ng pag-asa ang edukasyon. Salamat dahil binigyan ninyo kami ng  pagkakataon upang makita ang tunay na kahulugan ng buhay.  Sana ay mabasa ninyo ang aking kwento at mabigyan ng pagkakataon ang tulad kong mula sa probinsiya ng Siquijor na maibahagi ang aking karanasan bilang isang produkto ng ALS.

Maraming salamat po!

END