ALS: Ang kwento ni Viveca, isang Guro

July 12, 2017

“Ang ALS ay isang haligi na nagsisilbing pundasyon upang makamit ang mga naudlot na pangarap.”
–Viveca S. Mamauag

Si Viveca S. Mamauag ay nakatira sa munting Sitio ng Flaviano sa San Pablo, Isabela. Huminto siya sa sa pag-aaral noong nasa ikatlong antas ng sekondarya dahil sa kahirapan, kalayuan ng paaralan, at maagang pag-aasawa. Habang namamasada ng dyip ang kanyang asawa, siya naman ay naiiwan sa bahay upang mag-alaga sa kanilang dalawang anak. Hindi naging madali para kay Viveca ang buhay. May mga oras na naiisip niya sa sarili, “Ganito kaya kahirap ang aking buhay kung ako ay nakapagtapos?”

Noong marinig niya ang tungkol sa programang Alternative Learning System (ALS) ay nagkaroon ng liwanag ang kanyang buhay. Nasambit niya sa sarili, “Ito na ang aking pag-asa – ang pag-asang maabot ko  ang naudlot kong pangarap!” Hindi siya nagdalawang isip at agad na lumapit at nagpatala sa ALS Mobile Teacher. Sa pag-uusisa niya sa guro tungkol sa programa ng ALS, siya ay naliwanagan, nahikayat, at nagkaroon ng interes na ipagpatuloy ang pag-aaral. Sa huli ay naipasa niya ang A&E Test at siya ay tuluyang nakapagtapos ng sekondarya.

Sa sumunod na taon ay agad rin siyang tumuloy sa kolehiyo at kumuha ng kursong Bachelor in Secondary Education (BSEd) sa Unibersidad ng Saint Louis. Upang maipagpatuloy ang inumpisahang kurso, nagsilbi siyang Student Assistant sa mismong pamantasan at naging iskolar nito. Sa awa ng Diyos, siya ay nakapagtapos at mapalad na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) na ginanap noong September 27, 2015.

Nagtapos ng sekondarya si Viveca sa pamamagitan ng pag-aaral sa ALS, at dahil sa sipag at tiyaga ay nagtagumpay at naging ganap nang propesyonal. Hindi naging hadlang sa pag-aaral ang kanyang mga karanasan; bagkus, nagsilbi itong inspirasyon upang maabot niya ang kanyang mga pangarap sa buhay. Ngayon ay isa na siyang lisensyadong guro at nagtuturo sa Dalena National High School bilang isang volunteer teacher.

Pagbangon, pagsisikap, at pag-asa – ‘yan ang mensaheng nais iwan ni Viveca sa mga kabataan mula sa kanyang mga pinagdaanan. Hinihikayat niya ang iba pang mga kabataang nahinto sa pag-aaral mula sa iba pang mga lugar na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng ALS. Patunay niya, “Daan ang ALS upang maabot natin ang ating pangarap na makapagbigay ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa ating mga sarili kung hindi pati na rin sa ating mga mahal sa buhay.”

END