Ang kwento ni Lorraine, isang Cookery graduate

February 16, 2017

"Ang K to 12 ay isang susi para sa pintuan ng mailap na pangarap na minimithi."- Lorraine Pasco

Si Lorraine Pasco ay isang high school graduate ngunit di nakapag-kolehiyo dahil sa kahirapan. Upang matustusan ang kanyang pangaraw-araw na gastusin, siya ay dumayo sa Cebu City para magtrabaho. Doon niya napagalaman ang K to 12 Program. Ngayon siya ay nagkaroon na ng National Certificate (NC) at nakapagpatayo na ng kanyang sariling negosyo.

Ang bilis talaga ng panahon, andito na ulit ako sa Siquijor, kung saan ko sinimulang buuin ang aking sarili at ang aking pangarap. Poblacion, Siquijor--lugar na nakaka-miss sapagkat dito nagsimula lahat. Hindi ko namalayan na limang taon na pala ang lumipas mula ng makapagtapos ako ng sekondarya. Hindi ko natupad ang pangarap ko na maging magaling na Chef dahil kinailangan ko munang magtrabaho. Iniisip ko dati, "Kakaingit naman ang mga kaklase ko, sana nakapagtapos na din ako ngayon.” Pero kahit ganun, hindi naman ako nawalan ng pag-asa.

Umuwi ako ngayon dito sa Siquijor upang ipagpatuloy ang nabitin kong pangarap. Hindi naman sa hindi ko nagustuhan pagiging Call Center agent ko sa Cebu City, malaki-laki rin ang kinikita ko noon kaya kahit papano nakapag-ipon ako. Kaya lang gusto ko talagang balikan ang una kong minahal--ang pagluluto.

Matagal ko ng pinag-iisipan na bumalik sa pag-aaral ngunit sadyang mailap ang swerte sa akin noon. Noong panahong nakapag-desisyon akong magkolehiyo, saka ko naman nabalitaan na hindi na pwede dumeretso sa kolehiyo dahil sa K to 12 Program. Syempre wala akong masyadong alam sa K to 12 Program. Nakikita ko sa balita ang mga nagwewelga upang itigil ito at naisip ko noon na tama iyon dahil dagdag gastusin na naman sa mga magulang na gustong makapagtapos ang kanilang mga anak at saka dagdag hirap sa mga kagaya ko.

Nagdadalawang isip ako noon, pero talagang gusto kong matupad ang aking pangarap kaya naisipan kong magtanung-tanong at manaliksik tungkol sa K to 12. Napagtanto ko kinalaunan na mas mabuti ang programang ito dahil ang karagdagang dalawang taon sa sekondarya ay specialized na, nangangahulugang kung ang mga magulang ay hindi kayang tustusan ang mga anak sa kolehiyo kaya na nilang magatrabaho bilang skilled workers. At higit pa doon, libre ito sa mga pampublikong paaralan at kung sa pribadong paaralan naman ay mayroong Senior High School Voucher System para tumulong sa mga magulang at kagaya ko.

Inisa-isa ko ang mga courses na ino-offer sa Senior high School at ang nakatawag sa aking pansin ay ang Technical-Vocational-Livelihood o TVL track kung saan may Cookery na alam kong makakatulong ng malaki sa pagkamit ng aking pangarap.

Noong una, hindi ganun kadali ang bumalik sa pag-aaral, dahil siguro tumigil ako. Ngunit nakatulong sa akin ng malaki ang module na ginamit namin. Makalipas ang dalawang taon, masaya ako dahil kahit papaano mas malapit na ako sa aking pangarap. Dahil sa K to 12 Program, ang akala kong malayong pangarap ay natatanaw ko na at napabilis pa.

"Para sa aming mahirap na di makapagkolehiyo na kailangan munang magtrabaho para makaipon ng pangtustus ng pag-aaral -- ang K to 12 ang nagsilbing tulay para sa katuparan kong maging isang magaling na Chef sapagkat ito'y nagbibigay opportunidad sa kagaya naming di makapag kolehiyo,” wika ni Lorraine.

Ngayon pwede na akong makapag-apply abroad dahil may NC II na ako na nakuha matapos ang assessment ko sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ang kailangan ko na lang sa ngayon ay sipag at tiyaga upang maisakatuparan ang matagal ko ng pangarap.

Lorraine Pasco isang magaling na Chef.

END