Isang talon para sa pangarap

April 6, 2017

“Naging saksi ako sa walang humpay na pagsisikap at pagpupursigi ni Cherry.  Lagi niyang sinasabi na ginagawa niya ito para sa pamilya at para sa kanyang pangarap.  Hindi pa rin ako halos makapaniwala na kasama ko siya nang abutin niya ang isang bagong yugto at tagumpay sa buhay niya. Si Cherry ay isang halimbawa ng kabataan na sa maagang edad ay minulat ng responsibilidad at pag-asa.”  Pahayag ni Coach Angelina C. Catolico, Teacher 1 ng Cagasat National High School Annex, Cordon, Isabela, tatlong taong nagsisilbing coach sa athletics.  Coach ni Cherry Mae Banatao

Si Cherry Mae M. Banatao, labing anim na taong gulang, ay may tangkad na 5’6” at kasalukuyang Grade 11 student ng Gamu Rural School, Gamu, Isabela. Siya ay kumukuha ng Technical–Vocational Livelihood Track na may specialization sa Agriculture.    Nagwagi siya ng apat na gold medals sa nakaraang CaVRAA 2017 sa high jump, long jump, triple jump at 4x1 relay. 

Tatlong taong pakikipagbuno sa Binibining Pilipinas ang kinailangang pagdaanan ni Pia Wurtzbach bago ito hiranging Miss Universe noong 2015.  Di naman mabilang na mga singing contest ang sinuyod ni Angeline Quinto bago nito maabot ang kanyang pangarap sa tanghalan.  Kabi-kabilang mga suntok at sakit sa katawan naman ang ininda ni Manny Pacquiao bago siya bansagang Ang Pambansang Kamao 

At para sa labing anim na taong gulang na si Cherry Mae Moises Banatao, walang katapusang akyat-panaog na takbo ang kinailangan niyang gawin, ‘di na mabilang na lundag ang kinailangan niyang matapos upang magtala ng isang bagong rekord sa kasaysayan ng Palaro sa secondary girls high jump.

Tinabunan ni Cherry ang apat na taong pamamayagpag ng rekord na 1.62 m na itinala ni Maureen Emely Schrijvers ng NCR noong 2012 Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan nang tinalon nito ang taas na 1.66 metro sa nakaraang Palarong Pambansa sa lalawigan ng Albay.

Subalit ang tinahak ni Cherry tungo sa Palarong Pambansa ay hindi naging kailanman kasingdali ng pagtalon nito.  Ayon kay Cherry, ito ay bunga ng di-matatawarang sipag niyang magpraktis at pambihirang disiplina sa sarili na nagsimula pa noong siya ay nasa elementarya.  Lingid sa kaalaman ng lahat, aksidenteng nadiskubre ang husay ni Cherry nang wala noong maipasok na entry sa kanilang Area meet sa jumping events.  Ipinasok siya dito at di-inaasahang nakopo nito ang unang pwesto at ito na ang nagbukas ng daan tungo sa tinatamasa nitong tagumpay.  

Bahagi ng kanyang madibdibang training ay ang tinatawag na leg power exercise kung saan aakyatin niya nang mabilis mula ibaba, pataas ang matarik at konkretong hagdan sa Isabela Sports Complex. Aakyatin niya muli ito, pero sa pagkakataong ito, gamit lamang ang isang paa. Bahagi rin ng araw-araw niyang rutina ay ang pagtakbo kada hapon pataas sa isang maburol na bahagi ng daan.   Idagdag pa rito ang disiplina sa katawan gaya ng pag-iwas sa puyat at pag-iwas sa mga junk foods, street foods at softdrinks.  

Ganito namuhunan si Cherry.  

“Sobrang love ko itong ginagawa ko.   Nagpupursigi ako para sa pangarap kong masali balang araw sa team ng mga mahuhusay na manlalaro ng Pilipinas sa larangan ng high jump at sana mapabilang sa mga sasabak sa Olympics.”

Itinuturing niya na isang karangalan na makilala ang idolo niya sa larangan ng athletics na si Elma Muros.  “Na star-struck ako,” may ngiting pahayag ni Cherry.  Nakakadagdag determinasyon ang pampalakas-loob niya sa mga simpleng katagang “Kaya mo yan, gagalingan mo!”  

Para kay Cherry, na pang-apat sa anim na magkakapatid, hindi lamang ito lahat tungkol sa laro.  Bawat sabak niya sa kompetisyon ay itinuturing niyang regalo sa mga magulang niya.

Ayon sa kanya, ang mahigit na apat na libong pisong premyo nito sa panlalawigang palaro (CavRAA) ay iniaabot niya sa kanyang mga magulang na patuloy na kumakayod sa buhay bilang magsasaka at karpintero.

“Iyong napanalunan ko po sa Palaro noong nakaraan na halos tatlumpung libong piso ay nakatulong na pantawid gastos lalo at maysakit ang bunso kong kapatid na si Lexus at naitaon pa na naaksidente noon ang Kuya JC ko,” pagliliwanag ni Cherry.

Nang tanungin siya kung ano ang pangarap niya para sa sarili, buong puso niyang sambit:  “Para sa sarili ko, wala na.  Para sa pamilya ko, madami pa.  Nais kong sa aking munting paraan at ambag ay ma-iiangat ko sa kahirapan ang buhay namin.”

Ipinagmamalaki naman ni Cherry na sa likod ng tagumpay nito sa isports, napapanatili niyang manguna sa academics sa kanilang klase.  “Tinuruan ako ng pagmamahal sa isports na mahalin ko pa lalo ang pag-aaral,” masayang pagsisiwalat niya habang sakay kami ng kuliglig na siyang araw-araw na naghahatid sa kanya sa skul.

Kaiba sa nakahiligang isport, pinapangarap ni Cherry na nasa Grade 11 sa specialization na TVL-Agriculture ng Senior High School ng Gamu Rural School ang maging isang lingkod ng batas o kaya naman maging guro ng MAPEH.  

Ang dalagang ito na may hilig sa pag-awit at musika ay tubong San Bonifacio, Burgos, Isabela ay hindi parin makapaniwala sa tagumpay na narating niya. “Sobrang gulat po kasi hindi ko akalain na makaka-record ako,” pahayag niya.  Pinasasalamatan din niya lahat ng mga nagtiyaga na humubog at nagpatibay sa kanyang loob at katawan gaya nina Coach Eduardo Ruano at Coach Angelina Catolico.  

Sa likod ng kanyang tagumpay, hindi rin siya nakaligtas sa bashing.  Ayon sa kanya, ang pinakamasakit niyang narinig na komento ay iyong sabihing “nakatsamba” lang siya.  Naniniwala si Cherry na kung anumang tagumpay na naabot niya ngayon ay hindi dala ng tsamba lamang kundi sa pagsisikap na mamuhunan sa bawat magbukas na pagkakataon sa kanya.  

Lingid sa lahat na sa katatapos na CaVRAA, siya ay may injury habang ginagawa niya ang high jump, long jump at triple jump, subalit nilagpasan parin niya ang dating naitala nitong rekord sa nakaraang CaVRAA nang inabot nito ang taas na 1.65 m sa high jump.  

Ang naitalang record ni Cherry sa nakaraang Palaro ay pumantay sa national junior record na itinala ni Aprilen Laudencia noong 2012 UAAP at ni Angelica Janda na nagawa nito noong 2014 Philippine National Games.

Bawat talon ay pangarap.

At sa usad na hatid ng bawat lukso, patuloy ang pag-abot ni Cherry sa tagumpay at nararapat niyang kalagyan sa mundo ng isports.

At sisimulan niya ito sa paggawa pa ng mas maraming bagong rekords.

END