Nida Aldamar: “Ang ALS ang nagdala ng sinag ng tagumpay sa aking buhay.”

February 21, 2017

 “Naniniwala akong ang edukasyon ang susi upang maging maganda ang buhay ng isang tao kaya pinagbutihan ko ang aking pag-aaral, binuhos ko ang lahat  ng aking makakaya hanggang maging ganap akong guro.” – Nida Aldamar
 
Bilang panganay na anak ay una akong nakaranas ng hirap sa buhay. Pahinto-hinto ako sa aking pag-aaral dahil kinailangan kong alagaan ang aking mga nakakabatang kapatid dahil sa panahong iyon ay nagkasakit ang aming mahal na ina.
 
Subalit sa kabila ng aking mga responsibilidad sa aming pamilya,  hindi ko napabayaan ang aking pagaaral. Sa katunayan ay natapos ko ang aking elementarya bilang valedictorian. Pagkatapos ng elementarya ay isang taon akong huminto upang makapag-aral ang aking mga nakababatang kapatid. Ako ang nag-alaga sa dalawang maliliit na mga kapatid at  hindi kayang pagsabayin na pag-aralin kami ng aking mga magulang dahil pabalik-balik sila noon sa hospital  upang ipagamot ang aking ina.
 
Pagdating ng pasukan ay nag-aral ako sa mataas na paaralan ng Nueva Vida. Subalit noong second year na ako ay kinausap ako ng aking tatay nahuminto ulit dahil nagging madalas na ang pagbalik nila sa ospital. Sinubukan kong magtrabaho bilang kasambahay sa aking tiyahin upang makapag-ipon ako ng pera para magamit ko sa aking pagaaral. Subalit hindi ko kinaya ang sobrang hirap na trabaho. Dahil dito, napilitan akong mag asawa sa edad na 15 anyos. Akala ko ito ang solusyon sa kahirapan subalit lalo pang naghirap ang aming buhay dahil dalawa na ang aming anak.
 
Lumipas ang 12 na taon, hindi parin nagbago ang uri ng aming pamumuhay. Isang araw binalita sa akin ng aking asawa na isang konsehal ng barangay na may pumunta sa barangay hall na isang mobile teacher sa Alternative Learning System (ALS). Hinikayat niya akong sumali sa pag- aaral.
 
Masaya kami sa aming klase sa pangunguna ng aming guro na si Ginoong Roger Francisco. Dumating ang araw at kinuha naming ang A&E Test. Labis akong natuwa ng binalita ng aming guro na isa ako sa mga nakapasa. Pina-enroll ako ng aking asawa sa isang pribadong kolehiyo sa aming bayan at kumuha ako ng Bachelor of Science in Elementary Education (BSEED). Simula pa noong bata ako ay pangarap kong maging isang guro. Natapos ko ang kolehiyo at sa kabutihang palad ay nakapasa ako sa Licensure Exam for Teachers (LET).
 
Dahil nalaman ng aming guro na isa narin akong ganap na guro ay sinabihan niya akong mag-apply bilang Literacy Worker Volunteer sa ALS. Naging ALS teacher ako sa aming barangay. Hindi ako nahirapan na mangumbinsi ng mga Out-of-School Youth (OSY) na mag-aral sa ALS dahil alam nila kung paano nakatulong ang ALS sa aking buhay.
 
“Naging inspirasyon ko ang aking mga anak upang suungin ko ang hirap ng buhay matapos ko lamang ang aking pagaaral. Nais kong maging modelo ako nila kung paano pahalagahan ang pag-aaral at  wala itong pinipiling edad at panahon. Nadapa man ako ay muling bumangon at naitama ko ang maling nagawa ko sa aking buhay,” wika ni Nida.
 
Sa kasalukuyan ay naghihintay nalang si Nida na mabigyan ng regular item sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Umaasa siyang maging instrument ito ng pagbabago sa estado ng kanilang buhay dahil ayaw niyang danasin ng kanyang mga anak ang hirap na dinanas niya noong bata pa siya.
 
The Alternative Learning System Accreditation and Equivalency (ALS A&E) Test, formerly known as the Non-formal Education A&E Test, is a paper and pencil test designed to measure the competencies of those who have neither attended nor finished elementary or secondary education in the formal school system.

Passers of the A&E Test are given a certificate/diploma, bearing the Department of Education (DepEd) seal and the signature of the Secretary, certifying their competencies as comparable graduates of the formal school system. Passers are qualified to enroll in secondary and post-secondary schools.

END