Briones: Katuwang natin ang media sa pagpalaganap ng edukasyon

Tuesday, November 1, 2016

PASIG CITY – Hinimok ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones ang media na mas pasiglahin pa ang pagpapalaganap ng impormasyon upang maisulong ang de-kalidad na edukasyon sa bansa.

Sinabi ito ni Briones sa isang panayam sa media bilang paghahanda sa nalalapit na 2016 Education Summit na gaganapin sa SMX Convention Center sa Mall of Asia sa Pasay sa November 3 at 4.

Kasama ang Commission on Higher Education (CHED) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), layunin ng summit na ilatag ang direksyon ng sektor ng edukasyon na siyang magiging ambag ng DepEd sa national development agenda.

“Ang tagumpay ng  Education Summit at ang pagsulong ng pambansang edukasyon ay nakasalalay sa ating pagkaunawa at pagtanggap sa mga pagbabagong nagaganap sa ating paligid at kung paano natin ito aaksyunan. At malaki ang ambag ng media upang mailapit ang edukasyon sa kaisipan ng mga mamamayan,” ani Briones.

Ayon kay Briones, malaki ang magiging pasasalamat ng DepEd sa media kung maipaaabot nito  sa publiko ang mga magaganap at magiging resulta ng summit. “Kung kami lang, madali naming maiparating ito sa mga kasamahan namin sa education sector. Pero ang media, mas madali ninyo itong maihahatid sa buong bansa at maging sa international community,“paliwanag pa niya.

 

END