Pamaskong mensahe mula sa Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon

Disyembre 25, 2018

Mainit na pagbati ang inihahatid ng Kagawaran ng Edukasyon sa ating 26.7 milyong mag-aaral, 700,000 kaguruan, at 60,000 iba pang kawani, ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Kasabay ng pagsasara ng taon ay ang ating pagbabalik-tanaw hindi lamang sa ating mga nakamit na tagumpay, ngunit maging sa mga pagsubok na sama-sama nating nalagpasan, sa tulong ng ating mga kaagapay sa pagpapalaganap ng edukasyong tunay na dekalidad, abot-kamay, napapanahon, at mapagpalaya para sa lahat.

Sa ating pagsalubong sa panibagong taon at panibagong mga hamon, nawa’y patuloy nating pag-ibayuhin ang matapat na pagtupad sa ating sinumpaang tungkulin, para sa kapakanan ng ating mga kabataang Pilipino, at bilang pagpupugay na rin sa ating dakilang Tagapagligtas – ang tunay na diwa ng ating pagdiriwang.

Nawa’y patuloy rin nating isabuhay ang mga mahahalagang aral ng pagmamahalan, pagbibigayan, at pagpapatawad tungo sa minimithi nating kapayapaan.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

LEONOR MAGTOLIS BRIONES
Kalihim