Mainit na pagbati ang inihahatid ko sa mga tunay na bida ng okasyong ito—
ang mga graduates at completers ng Taong Pampaaralan 2018-2019!

Tunay ngang ang araw na ito ay nakagagalak na pagdiriwang, hindi lamang dahil sa pagtatapos ng isa na namang taon ng kaalaman at pagkatuto, ng pagsisikap at pagtitiyaga ng ating mga mag-aaral. Ito rin ay ang muling pagsasara ng matagumpay na kolaborasyon ng mga magulang, guro, opisyal at manggagawa ng edukasyon, miyembro ng komunidad, at mga partners at stakeholders na may iba’t ibang pinagmulan, kultura, at kinagisnan.

Ang tema para sa taong ito, “Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat,” ay naglalayong tumalakay sa ating katapatan at pagmamahal sa ating kultura—ito man ay iba’t iba—na sumasalamin sa ating kaluluwa at nagbibigkis sa ating mga mamamayan. Muli’t muli ay atin nang napatunayan na magkakaiba man tayo ng pinagmulan, katayuan, relihiyon, o paniniwalang politikal, maaari tayong magkaisa sa pagkamit ng iisang layunin—ang paghahatid ng edukasyong de-kalidad, abot-kaya, napapanahon at mapagpalaya para sa lahat.

Habang ang Kagawaran ng Edukasyon ay patuloy na sumasabay sa daloy ng makabagong panahon, patuloy nitong nililinang ang mga 21st century learners, na hindi lamang kritikal at makabago mag-isip sa larangan ng science, mathematics, at robotics, kundi masining at malikhain din, at maaaring magtagumpay sa mga larangang may kinalaman sa pagpapayaman ng ating diwa at pagkakakilanlan bilang isang lahi.

Makaaasa kayo na sa pamamagitan ng K to 12 Basic Education Program, ang inyong Kagawaran ay patuloy na magsisikap hasain ang mga susunod na pinuno at tagapagtaguyod ng ating bansa sa isang lipunang yumayakap sa pagkakaiba-iba, kasama na ang pagsubok at pakinabang na kaagapay nito. Naniniwala ako na anumang landas ang kanilang tatahakin, ang ating mga graduates at completers ay hindi makalilimot sa kanilang pagiging Filipino at sa lahat ng bumubuo sa diwa nito—ang ating kultura, talento, kasaysayan at kakayahang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay.

Muli, maligayang pagbati at mabuhay!

LEONOR MAGTOLIS BRIONES
Kalihim

 

Download