Antonette Dumaboc
Princess Earl Marie Dael
Jezreel Vincent Abiar
Region X

Sabi nga nila, ang pagkatalo ay hindi basehan upang malaman ang iyong kagalingan. Marahil dahil sa pagkatalong ito ay may matutunan ka at matutuklasan mo ang tunay na nakalaan para sayo.

Ito ay pinatunayan ng Region 10 star athlete na si Erwin Mancao matapos siyang maging kampeon sa 2018 Palarong Pambansa sa 5,000-meter run na naganap sa Vigan City, Ilocos Sur.

Maraming naantig sa kanyang kwento matapos kumalat ang kanyang larawang kuha ng PTV Ylocos, kung saan hindi niya naiwasang umiyak pagkatapos manalo sa laban at mapgatanto na ang perang kanyang napanalunan ay magagamit nila upang maipaayos ang kanilang bahay.

Naging viral at umani ng humigit sa 81,000 reactions, 10,000 comments, at 14,000 shares ang nasabing post na naging daan din upang siya ay matulungan sng mga taong nagmamagandang-loob.

Isang batang walang pangarap sa buhay kung maituturing si Erwin. Dumaan siya sa matinding pagkalugmok nang siya ay naging bahagi ng isang fraternity sa kanilang paaralan hanggang sa siya ay namulat. Binago ng isports ang kanyang buhay.

“Kagaya ng ibang mga bata, wala rin akong pangarap noon. Sumali pa nga ako ng frat, pero nang naging atleta ako, doon ko na-realize na ang lahat ng iyon ay walang kwenta,” sabi niya.

Sumali muna sa swimming at boxing ang 18 taong gulang na binata bago natuklasan ang kanyang kakayahan sa larangan ng athletics.

Nagtagal siya ng tatlong taon sa boxing dahil sa kagustuhang kumita ng pera, at nais ng kanyang tiyuhin na isa ring boksingero na sundan niya ang ang kanyang yapak. Naging puspusan ang pag-eensayo nila nang siya ay naging Grade 8, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, isang batang amateur boxer ang naiulat na namatay sa Regional athletic meet na ginanap sa Zambales noong 2013 na naging dahilan upang pansamantalang tanggalin ang naturang laro.

Napilitang sumubok ng ibang laro si Erwin dahil sa nangyari hanggang sa nakitaan siya ng potensyal sa pagtakbo ni coach Cherry Cabilunan at doon na siya nagsimulang lumahok sa pagiging athletics player.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng binatang atleta bago niya masungkit ang inaasam na ginto. Dumaan siya sa pagkatalo at sinubok din ng pagkakataon noong siya ay nagtamo ng injury dahil sa kanilang pagsasanay ilang araw bago nagsimula ang 2016 Palarong Pambansa sa Antique. Kaya bigo siyang makapaglaro at ‘di umano’y naging taga-suporta at naging water boy siya sa kapwa niyang runner.

Aniya, “Napakasakit para sakin ang pagkakataong iyon dahil nagpursigi ako at nakakuha ng tatlong gintong medalya sa Regionals para makapasok sa Palarong Pambansa ngunit nabalewala lang ang lahat ng pagod ko sa pag-eensayo”.

HINDI AKO SUSUKO. Mga salitang tagos sa damdamin ni Erwin Mancao na panay ang pag-eensayo at paghahanda upang depensahan ang kanyang titulo sa 5,000-meter run ng 2019 Palarong Pambansa sa lungsod ng Davao, Abril 29, 2019. KUHA NI DERIC HERALD JO

Sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi ito naging hadlang upang siya ay sumuko sa paglalaro at sa halip ay mas naging determinadong marating ang rurok ng tagumpay.

Sumali siya sa Philippine National Games (PNG) at naging kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng athletics sa ginanap na ASEAN School Games (ASG), kung saan nasungkit niya ang silver medal sa 1,500-meter run. Ngayon ay nagbunga na ang lahat ng hirap at sakripisyong kanyang pinagdaanan, makapagbigay lamang ng karangalan sa bansang sinilangan.

Kasalukuyang hawak ni Mancao ang 16:01.60 record sa 5,000-meter run sa Palarong Pambansa. Sinisikap niyang mapanatili sa kanyang mga kamay ang kampeonato at mag-uwi rin ng ginto sa 1,500-meter run.

“Pagsisikapan ko pong madepensahan ang aking titulo kasabay ng pananalangin sa ating Panginoon sapagka’t wala naman pong nakaaalam sa maaaring maging resulta ng laro,” pahayag niya.

Ibinahagi rin ng atleta ang kanyang sikreto sa bawat tagumpay na kanyang tintamasa.

Sabi niya, “Pagdarasal, determinasyon, tiwala sa sarili at pokus sa bawat laro ang tanging sikreto ko po upang ako’y manalo.”

Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa mga batang atleta na nangangarap na maging kagaya niya na nagtagumpay ng dahil sa sports.

“Huwag kang sumuko kapag natalo ka sapagka’t bago mo matamasa ang tamis ng pagkapanalo, matitikman mo muna ang pait ng pagkatalo,” aniya.

Sinuman ay kayang magwagi sa karera ng buhay basta may matibay ang kalooban at hindi basta-basta sumusuko sa bawat hamong naghihintay sa iyong paglalakbay tungo sa hinahangad na tagumpay.

WAKAS