Vinz Abcde V. Betonio
Region XII
Agad sinelyuhan ng SOCCSKSARGEN Warriors Arnisador ang 14 na ginto, siyam na pilak, at dalawang tanso sa unang dalawang araw pa lamang ng sagupaan ng anyo sa larong arnis sa pagpapatuloy ng Palarong Pambansa 2019 sa Davao.
Sa pangunguna ng magkapatid na Shena (14 na taong gulang) at Princess Sheryl Valdez (12 taong gulang) na ibinulsa ang anim na ginto sa lahat ng indibidwal na kategorya ng anyo, nalampasan ng team SOX ang kanilang record noong nakaraang Palarong Pambansa (12 ginto) sa Vigan.
Ayon kay Ryan Muyco, coach ng koponan sa elementary girls, wala silang pagsidlan ng tuwa sa natamong biyaya sa umpisang bahagi ng laban.
“Salamat at nagbunga ang aming pagsasakripisyo. Ang layunin lang ng grupo naming sa ngayon ay malampasan ang aming nakuhang medalya sa nakaraang Palaro,” pahayag pa ng eight-time Palaro coach ng arnis.
Sa pahayag naman ng magkapatid na Valdez, iginiit nilang ang kanilang pagsasanay at pag-eensayo sa halos buong taon ay iniaalay nila sa kanilang amang mayroong Parkinson’s Disease.
“Matagal na po kasi siyang hindi nakakasama sa amin sa mga kumpetisyon dahil sa karamdaman. Gusto kong maging proud rin siya sa amin,” pahayag ng panganay na si Shena.
Samantala, dalawang ginto naman ang kinupo ni Miguel John Clavaton (12 taong gulang) na pinagharian ang dalawang individual events sa elementary boys. Kasama ang kambal na si Samuel John at ng mga kakamping sina Christian Dave Bucio, inuwi ng elementary boys ang kabuuang tatlong ginto, isang pilak at isang tanso.
Nakapagtala rin ang secondary girls at boys ng kabuuang pitong medalyang ginto hudyat upang pagharian ng SOX arnisador ang arnis anyo competition ngayong 2019 Palarong Pambansa.
Ang mga coaches ng mga batang arnisador ay ang mga gurong sina Ryan Muyco, Jedelyn Portuito, Elsie Mosqueda, at Maribel Gocontano—lahat ay nagmula sa lungsod ng Tacurong.
WAKAS