Michael John E. Lavendia
Region VIII

Habang tumatagal, lalong tumitibay.

Ito ang pinatutunayan ng isa sa mga pinakamalalaking paaralan dito sa Davao City na nagsisilbing kanlungan ngayon ng mga atleta, opisyales at mga mamamahayag na kalahok sa 2019 Palarong Pambansa. Bakas sa mga dingding ng paaralang ito ang mga pinagdaanang pagsubok na nagpatibay dito sa pagharap sa anumang hamon ng kalikasan. Bagama’t may katandaan na, waring ilinatag ang lahat para sa kanya ng Poong Maykapal at inihanda siya ng tadhana na salubungin ang mga panauhing bubuo at gagawa ng panibagong kasaysayan sa pinakamalaking paligsahan sa larangan ng isports sa buong Pilipinas.

Malawak. Hindi man sopistikado katulad ng ibang mga pribadong paaralan dito sa Davao, handa pa ring tumulong sa mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral at nais hubugin at abutin ang mga pangarap.

Ito ay dating kilala sa tawag na Davao Provincial High School, na naging Davao City High School bago ito maging Davao City National High School. Kilala rin ito sa mga Dabawenyo sa tawag na “City High.” Ito ang pinakamalaking pampublikong paaralan dito sa pinakamalawak na siyudad sa buong Pilipinas.

Itinayo ang paaralan noong 1922. Gamit ang mga kubo na gawa sa nipa, nagsimula ang klase sa 67 na mag-aaral na pinamumunuan ni Adolfo Casolan bilang punong guro. Naging Officer-in-charge naman si Dominador Fernandez. Tatlong guro lamang ang kauna-unahang nagturo sa paaralang ito.

Ilang taon ang lumipas, binomba at tuluyan itong nasira noong April 1945 ng mga Amerikano. Ngunit hindi ito naging hadlang, bagkus mas pinagbutihan pa nila ang kanilang paglilingkod at ipinagpatuloy nila itong itayo.

Pitumpu’t apat (74) na taon ang lumipas, meron na ito ngayong 428 na guro na nangangalaga sa may 2,918 na mag-aaral sa Grade 7; 2,525 sa Grade 8; 2,122 sa Grade 9; 2,046 sa Grade 10; at 2,294 sa Senior High, na may kabuuang mahigit 11,900 na mag-aaral na parami pa ng parami sa paglipas ng panahon. Ngayon ay pinamumunuan ito ng kanilang punong guro na si Dr. Wenefedo E. Cagape, isang Public Schools District Supervisor ng Cluster 1, Davao City Division.

Sa labas ng paaralan nakatayo ang isang rebulto na sumisimbulo sa mga iba’t ibang tribo sa Davao. Pagpasok ay makikita rin ang rebulto ni Dr. Jose Rizal. Sa unang tingin hindi aakalaing pampubliko ang paaralang ito dahil sa kalakihan nito. Kahit na malaki at pampubliko ang paaralang ito, napapanatili pa rin ng mga taga-Davao ang kalinisan at seguridad ng paaralan.

Dahil nga sa malaki, malinis at maaayos ang mga palikuran at mga silid aralan nito, isa ito sa mga napili na maging pansamantalang tirahan ng mga opisyales ng 2019 Palarong Pambansa. Sa katunayan nga, bukod sa pansamantalang tirahan ito ng mga delegasyon ng Palaro, dito rin sa City High naganap noong April 27 ang Larong Pinoy na kauna-unahang sa kasaysayan ng Palaro Pambansa. Ginaganap ngayon sa malawak na oval ng paaralang ito ang baseball/softball at sa auditorium naman ng paaralan ginaganap ang larong sepak takraw.

Sa ngayon, pinatitibay din ng City High ang kanilang mga mag-aaral sa larangan ng isports upang mahubog ang kanilang mga atletang maaaring manalo sa ibang bansa dala ang pangalan at bandera ng Pilipinas.

Dahil sa karaniwan nang mababasa ang mga kwento tungkol sa mga taong malaki ang nai-ambag sa pagbuo ng panibagong kasaysayan ng Palarong Pambansa, marapat lamang na bigyang-pugay din ang isa sa mga nagsilbing tahanan ng mga taong bumubuo sa Palaro. Sa humigit kumulang tatlong linggong pagkupkop nito sa atin, naipadama sa atin ng City High ang init ng pag-aaruga at pagmamahal nito bilang isang tunay na tahanang malayo sa ating tahanang kinagisnan.

Daghang salamat, Davao City High!

END