Hunyo 18, 2020 – Kahapon, Hunyo 17, naiparating sa amin ang isang nakalulungkot na balita kaugnay sa pagpapakamatay ng isang mag-aaral mula sa Sto. Domingo, Albay.
Ang Kagawaran ng Edukasyon ay nagpapaabot ng masidhing pakikiramay para sa mga naulila at naiwan. Ang Kagawaran ay nag-aalay ng panalangin para sa pumanaw.
Hindi kaila sa Kagawaran na ang “suicide” ay isang sensitibo at komplikadong usapin. Nangangailangan ito ng propesiyunal na tulong upang matukoy ang dahilan sa pagkuha ng isang bata sa sarili niyang buhay. Kaya naman minarapat naming hindi na muna mag-komento tungkol dito bilang respeto sa pamilyang kasalukuyang nangungulila.
Mariin naming ipinababatid ang aming pagkadismaya sa mga tao o grupong naglalabas ng oportunistang pahayag tungkol sa pagpanaw ng mag-aaral upang isulong ang kanilang agenda. Pilit nitong minamaliit ang mga hakbang ng Kagawaran upang maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng pandemya. Ang ganitong pahayag ay iresponsable at malisyoso, dahil hindi nito nirerespeto ang pumanaw at ang mga naulila. Inililigaw nito ang publiko sa tunay na plano ng DepEd para sa paparating na school year.
Ang Kagawaran ay naghahanap ng paraan upang magpatuloy ang edukasyon sa kabila ng krisis sa pamamagitan ng paggamit ng alternative learning delivery modes sa kadahilanang ang face-to-face classes ay hindi muna pahihintulutan. Mariin naming pinaaalala sa mga magulang at mag-aaral na ang online learning ay isa lamang sa mga pagpipilian. Ang mga gadget o internet access ay hindi requirement upang makapagpatuloy sa pag-aaral.
Pinapaalala muli ng Kagawaran sa mga magulang at estudyante na hindi kinakailangang bumili ng anumang gadgets, koneksyon sa internet, o makisali sa anumang programa para sa pag-aaral sa darating na school year. Muli, hindi lamang online learning ang natatanging option. Ang mga tao o grupong pilit na sinasabi na ang online learning lamang ang option ay hindi sapat ang kaalaman ukol sa learning continuity at pilit na inililigaw ang publiko.
Sa kasalukuyan, ginagawa na ng DepEd ang mga paghahanda upang maisakatuparan ang home-based learning gamit ang TV, radio, online, printed modules, o kaya ay kombinasyon ng mga nabanggit. Kami ay nakikipag-ugnayan sa pribadong sektor at mga local government unit upang matulungan kami sa pagsasaayos ng mga mahalaga na bagay na ito bilang paghahanda sa pasukan.
Ang Kagawaran ay hindi bulag sa realidad at nauunawaan na hindi pantay ang sitwasyon ng bawat mag-aaral at komunidad. Dahil sa katotohanang ito, patuloy kaming nag-iisip at gumagawa ng mga paraan upang magkaroon ng inclusive at responsive na mga plano, palisiya, at mga proseso upang matiyak na walang maiiwan na kabataan sa gitna ng pandemyang ito.
Nangangako ang Kagawaran na gagawin namin ang lahat upang ang edukasyon ay magpatuloy at ang dekalidad na karunungan ay maibigay. Kami ay nakikiusap sa publiko na makipagtulungan sa amin upang kondenahin ang mga nagsasamantalang manakot. Sama-sama nating ipalaganap ang mensahe ng pag-asa.
WAKAS