Nais kong ipabatid ang aking taos-pusong pagbati at pagpupugay sa mga magsisipagtapos, mga guro, mga opisyal ng paaralan, at mga kawani, sa kanilang Commencement Exercise para sa Taong Panuruan 2020-2021.

Sa ngalan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), ikinararangal ko ang maging bahagi ng mga nagawa at nakamit ng mga magsisipagtapos ngayong taon. Sa kabila ng pagsubok ng panahon, ang ating mga mag-aaral ay nagtiyaga at nakagawa ng mga mahahalagang bagay para sa kanilang kinabukasan.

Habang ang makasaysayang panahong ito ay naghatid ng ‘di inaasahang mga pagsubok dulot ng pandemya ng COVID-19, naniniwala ako na itong bagong henerasyon ng Pilipinong tagapagtaguyod ng bansa – silang mga nakaranas ng mga pagsubok – ay magiging mahalaga sa pag-unlad ng ating bansa sa panahong darating.

Sa ating kasaysayan, humarap ang ating mga bayani sa maraming hamon nang walang pag- aalinlangan at takot upang alamin ang katotohanan at kalayaan sa pamamagitan ng edukasyon. Hanggang ngayon, patuloy tayong sumusuong sa mga pagsubok upang magbigay ng suporta sa edukasyon. Ika nga ni Gat Jose Rizal, “Without education and liberty, which are the soil and the sun of man, no reform is possible, no measure can give the result desired.”

Maging paalala sana ang seremonyang ito na kaya nating malampasan ang kahit ano pa man sa pamamagitan ng ating sama-samang pagsisikap. Katuwang ninyo ang Kagawaran at asahang gagabay at susuporta sa kahit na anomang paraan, upang tugunan ang anomang hamon, lalo na sa sektor ng edukasyon.

Para sa ating mga magulang at mga guro, malaki ang aming utang na loob sa dedikasyon na ibinigay ninyo sa inyong mga anak sa panahon na ito. Tunay na ang inyong mga pagsisikap ay nagbunga sa ating pagdiriwang ng napakahalagang araw na ito.

Patuloy natin pagsikapan na bigyan ng mas ligtas at maayos na kalagayan ang bawat mag- aaral, upang hubugin sila na mga susunod na responsableng lider at tagapagtaguyod ng ating bansa sa hinaharap.

Muli, taos-pusong pagbati mula sa DepEd, at mabuhay kayong lahat!

 

LEONOR MAGTOLIS BRIONES
Secretary

 

Download