Sa bawat obra at kulay na nasasagap mula sa lente ni Jared, lalo lamang sumisidhi ang kaniyang pagkagiliw at dedikasyon sa kaniyang ginagawa.
Mula pagkabata ay hilig na talaga ni Jared Philip L. Lodronio, isang estudyanteng produkto ng Arts and Design track mula sa Marcial O. Rañola Memorial School (MORMS) SHS sa Guinobatan, Albay, ang pagkuha ng litrato, pag-eedit ng videos at iba pang uri ng graphics design. Dahil sa mga proyektong kinakailangan ng kakayahan sa pag-eedit ay namulat siya sa mundong tunay nga namang nagbigay sa kaniya ng maraming oportunidad.
Nang nagtapos siya ng Senior High School ay naisipan niyang magtayo ng sarilingstudio na kaniyang pinangalanang RED STUDIO. Ito ay binubuo ng mga katulad niyang young artists na nagnanais pang payabungin ang kanilang talento at kakayahan pagdating sa photo, video, at graphics design at production.
“It is an opportunity for me and my co-artists to be productive but at the same time adds fuel to our passion in arts,” wika ni Jared.
Mula sa pagko-cover ng birthday parties, debuts, at weddings, nakilala na rin ang RED STUDIO sa iba pang mga lugar, mapa-lokal man o sa ibang bansa. At sa paglipas ng panahon, lalong umiingay ang pangalan ng kaniyang studio, ay lalo ring yumayabong ang kaniyang talento sa larangang ito.
“Tulad nga ng sabi ng isang guro namin noong senior high school, ‘pairalin ang puso at bigyan ng puso lahat ng ginagawa’,” pagsasaad ni ni Jared.