Malaking pagbabago ang idinulot ng teknolohikal na inobasyong tinatawag na “Klevrly” (dating Smart Schools Philippines) sa pagpapabuti ng kabuoang pangangasiwa ng mga pampublikong paaralan sa munisipalidad ng Claver, Surigao del Norte. Ang bumago ng takbo ng sistema ay walang iba kundi ang Senior High School graduate na si Eljohn S. Crisostomo na CEO at Founder ng sariling kumpanya sa edad na 20.
Nagtapos ng SHS si Eljohn sa ilalim ng Technical Vocational Track na General Academic Strand noong 2019 sa Taganito National High School. Dito niya natutuhan at nahasa ang abilidad sa pagbuo ng mga software at social media platform sa tulong ng mga asignaturang Entrepreneurship at Empowerment Technology.
Inilunsad niya ang Smart Schools application o Klevrly upang makasabay sa modernong panahon ang mga punongguro, guro, mag-aaral, at mga magulang sa kanilang pang-araw-araw na gawain sa paaralan.. Ang plataporma ay mayroong iba’t ibang gamit tulad ng organisadong talaan ng mga estudyante, maging sa modyul man o sa pagdalo nila sa klase, mas mainam na komunikasyon ng paaralan sa mga magulang, at mas madaling pag-access sa mga learning materials.
Hindi naging madali ang pagkuha sa tiwala ng mga kliyente para kay Eljohn dahil sa kaniyang murang edad, kawalan ng pinansyal na kapasidad, at reputasyon bilang isang college dropout. Habang kumukuha ng kursong BSBA Major in Marketing napagdesisyunan ng batang negosyante na sumugal sa kaniyang kakayahan upang makamit ang pangarap habang bata pa.
“Trust in yourself before anybody else kasi darating din ang panahon na ‘yong mga tao na pinagkakatiwalaan mo ngayon ay aalis din sila ‘pag sa panahon na magigipit ka na. ‘Pag dumating ‘yong panahon na ‘yon, at least meron ka pa ring rason para ipagpatuloy ‘yong journey mo kasi may isa pa rin na naniniwala sa’yo at ‘yon ay ang sarili mo,” ani Eljohn.
Malaki ang naging kontribusyon ng Klevrly sa mga paaralan, at dahil dito, kabi-kabilang parangal ang natanggap ni Eljohn tulad ng Youth Entrepreneurship Business Award or Pitching Competition ng DTI Caraga, Regional Pitching Competition ng DICT Mindanao Cluster 2.
Bitbit ng batang CEO ang pagnanais na makatulong sa mga kagaya niya at magabayan sila sa pagkamit ng kanilang inaasam na pangarap, “Gusto kong mag-start ng multiple projects para sa mga youth especially sa mga kabataan na hindi nakapagtapos o tumigil sa pag-aaral. Gusto ko silang matulungan na mahanap ang purpose nila at maging successful sa kanilang buhay.”