Nakahiligan ng mga kabataan ngayon ang paggamit ng Facebook at iba pang social media sa paglilibang at pagpapasikat. Ngunit ibahin natin si Layca P. Alferez dahil ginamit niya ang Facebook sa pagdiskarte sa mundo ng online selling nang buoin niya ang ‘Kalay’s MJL Online Shop’ upang makatulong sa kanyang pamilya.
Dala ang pangarap at pag-asa na makaahon mula sa kahirapan, nagsimula siyang magtrabaho bilang saleslady sa tindahan ng karne pagkatapos ng klase sa hapon habang siya ay nasa high school pa lamang sa kanilang pampublikong palengke.
Dahil nakita niya na malaki ang kinikita ng kanyang mga amo sa pagtitinda, dito nabuo ang interes ni Layca sa pagnenegosyo. Habang Grade 11 pa lamang, sinubukan na ni Layca ang kanyang swerte sa pagbuo ng sariling negosyo. Ang kaunting halaga na kinikita niya rito ay kanyang inihuhulog sa paluwagan hanggang sa makakuha ng 20,000Php na ginamit niyang panimulang puhunan para sa pagbili at pagbenta online ng RTW or “Ready to Wear” items.
“Bilang GAS o General Academic Strand student, nagkaroon po kami ng business simulation sa subject na Entrepreneurship at doon ko naintindihan ang pasikot-sikot ng negosyo at mas lalong nadagdagan ang kaalaman at interes ko] noong ako’y nagtrabaho sa palengke,” ani Layca, Senior High School graduate ng Claver National High School, Surigao Del Norte, noong 2019.
Para sa kanya, hindi lamang mga konsepto at aplikasyon sa negosyo ang dapat aralin kundi pati na rin ang kahalagahan ng pagiging matatag at matapang sa pagnenegosyo.
“I believe that I should possess a high spirit to withstand all these glitches in business because if not, I would end up in nothing. I should just keep pushing hard and never let my fear pull me down because in business, only the strongest and high-spirited will emerge successful,” wika ni Layca.
Sa loob ng mahigit isang taon, ang kanyang buwanang puhunan na dating 20,000Php ay naging 100,000Php ngayon. Mula sa kapital na ito, hindi na bababa sa 40,000Php kada buwan ang kanyang kinikita. Hindi na rin niya kailangang igugol ang kanyang oras sa pa-isa-isang posting ng mga photos ng mga produkto sa Facebook dahil ngayon ay nagagawa niyang bultohan ang pag-post, at naibibigay niya ang supply ng items sa kanyang 30 resellers sa apat na munisipalidad ng Surigao del Norte.