Kinilala ang isang sikat na tea line na pinangalanang ‘J&Tea Express’ sa Feelings Village, Mangagoy, Bislig City, sa pagbibigay ng pang-araw-araw na ‘positivity in a cup’ at magandang milk tea experience. Ito ay sa pamamagitan ni Jayson D. Sarmiento na nagpasimula ng milk tea shop. Isa siya sa mga matagumpay na graduates ng Stand Alone Senior High School – Bislig City ng Bislig City Division noong 2018. Kabilang sa kauna-unahang implementasyon ng SHS sa bansa.
Si Jayson ay valedictorian sa Junior High School at naging top one sa kaniyang klase na may recipience mula sa AY Foundation, Inc. (AYF) sa SHS. Ito ang naging daan sa kaniyang pagtahak ng Technical Vocational Livelihood (TVL) – Home Economics Strand na nakatutok sa Cookery.
Kilala bilang Barbie de Leon sa social media, at isa sa mga nakababatang entrepreneur sa siyudad nila na tanyag sa pagkakaroon ng makulay na karakter sa trabaho man o personal na buhay. Naniniwala siya na ang palagiang pagsunod sa mga patakaran at mga nakagawian ay makakatiyak ng tagumpay ng negosyo, pero lalo at higit ang pagiging malikhain at inobatibo.
Bagaman hindi siya natuloy sa Accountancy and Business Management Strand, na siyang unang desisyon niya na pasukan, naging matagumpay naman ang kanyang paglalakbay sa TVL at ito ang naging daan upang makamtan niya ang national certification for Cookery mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil sa karanasan sa work immersion, nabuo ang kaniyang tiwala at kumpiyansa sa food preparation at safety. Namasukan din siya bilang part-timer sa ilang mga restaurants upang makakuha ng puhunan sa tea-production business. At kamakailan, sinimulan niya ang pakikipagsapalaran sa pagnenegosyo sa halagang halos dalawa hanggang tatlong daang piso.
Hindi naging madali para sa kaniya hindi rin siya nagpadaig sa pandemya. Dahil sa pagpupursige, kumikita na ang kanyang milk tea shop ngayon ng halos 60,000Php hanggang 80,000Php kada buwan. Nakapagbigay pa siya ng trabaho sa apat na staff members na katulong niya sa araw-araw na operasyon ng store. Ibinahagi rin niya ang dapat tandaan sa pagbuo ng negosyo.
“Naniniwala ako na ang good decision-making skills ang siyang daan sa tagumpay ng isang entrepreneur. Dapat ang bawat mag-aaral ay magkaroon ng job-ready skills na magiging kapaki-pakinabang sa kinabukasan, at mahasa upang pahusayin pa ang gawa,” ani Jayson.