Hindi naging madali para kay Jonas M. Ornoza ang makapagtapos sa Senior High School noong 2018 sa Odiongan National High School dahil sa hirap ng buhay. Kinuha niya ang track na TVL-Electrical Installation and Maintenance (TVL-EIM) dahil dito niya nakikita ang kaniyang tatahaking larangan, gayundin ay upang makapagtrabaho agad at makatulong sa pamilya.
Bilang isang mag-aaral noon, hinasa ni Jonas ang kaniyang kakayahan hindi lamang sa classroom. Palagi siyang sumasama sa kaniyang teacher o strand coordinator sa pag-aayos ng mga electrical problems sa kanilang paaralan dahil gusto niyang matuto noon ng aktuwal na installation. Bilang bahagi rin ng kurikulum ng Senior High School, nagkaroon siya ng on-the-job training sa isang private electric company. Dito siya natuto ng maraming kakayahang teknikal ukol sa electric installation at iba pa. Hinirang pa siyang Best in Work Immersion student sa kanilang paaralan matapos makompleto ang OJT.
Bitbit ang mga kasanayan at parangal na natamo, buong loob na kumuha ng NC II exam sa Electrical Installation and Maintenance si Jonas para agad na makakuha ng magandang trabaho. Habang hinihintay ang resulta ng exam ay matiyaga siyang naghanap ng kompanyang papasukan. Ngunit hindi lahat ng hakbang sa pagtatrabaho ay umayon sa kanya dahil hindi siya pinalad na makapasa sa NC II exam.
“Dobleng dagok ang aking hinarap nang hindi ako palaring makapasa sa NC II Assessment, gayunman, hindi ako sumuko, nagsumikap at nagpatuloy ako. Hindi Niya ako pinabayaan,” kuwento ni Jonas.
Nagpatuloy siya sa paghahanap ng trabaho at di naglaon ay natanggap bilang laborer sa isang solar company. Dito ay hinasa pa niya ang kaniyang kakayahan at hindi tumigil sa pagre-review. Nagdesisyon siyang kumuha uli ng NC II at sa pagkakataong ito ay nakapasa na siya! Ito ang naging dahilan upang tumaas ang kaniyang ranggo bilang Electrical Technician.
Sa kasalukuyan ay tatlong taon na si Jonas sa kaniyang trabaho. Dahil sa tinahak niyang Senior High School strand, pagsisikap, at pagsasanay ay nagagawa na niyang tulungan ang kaniyang pamilya lalo na’t nawalan ng kabuhayan ang kaniyang ama na dating porter sa pier nang magsimula ang pandemya. Ipinagmamalaki niya na siya ay nakapagtapos sa TVL-IMC na may karangalan at kaalamang nagamit niya upang umunlad ang kanilang buhay.
“Maraming choices of strand ang offered sa Senior High School kaya dapat maging wise sa pagpili. Napakahalaga ang pagkakaroon ng adhikain sa buhay na ipagpatuloy ang pag-aaral. Kailangang may determinasyon, pagsisikap at tiyaga sa kahit anong trabahong ibibigay sa iyo. Makinig at pag-aralang mabuti ang mga itinuturo ng mga guro dahil magagamit ninyo ito kapag nagkaroon na kayo ng trabaho at sa patuloy na pakikibaka sa buhay,” payo ni Jonas sa mga mag-aaral.