Sa pagtitiwala sa sarili at tulong ng social media app na TikTok, mas nahubog ang kakayahan sa pagpipinta at nasuportahan ang kaniyang pag-aaral at pamilya ni Jean Pauline J. Maglangit, isang Senior High School graduate sa ilalim ng Academic Track at Strand na Humanities and Social Sciences mula sa Opol National Secondary Technical School sa Misamis Oriental.
Bago pa man magtapos ng SHS si Pauline noong 2019, nahinto na siya sa pagpipinta ng halos isa’t kalahating taon. Subalit nang tumama ang pandemya sa bansa, muling nabuhay ang pagnanais niya sa larangang ito.
Nang sumagi sa kaniyang isipan na subukang mag-komisyon at ibenta ang kaniyang mga likha ay nakaramdan siya ng kaba dahil baka walang magkagusto rito. Ngunit dahil sa pagtitiwala at suporta ng kaniyang pamilya at kakilala, nagsimula siyang magtinda ng glass paintings sa Tiktok.
Mas nagbunga pa ang kaniyang pagtitiwala sa sarili nang ang isa sa kaniyang glass painting ay umabot ng 3.5 million views sa TikTok na nagbunsod sa pagtatayo niya ng online shop para sa kaniyang mga obra.
“I guess my experiences and learnings from the Academic Track-Humanities and Social Sciences had helped me a lot in molding my communication skills, time management, and also in anticipating my target market and their buying patterns,” aniya.
Sa pamamagitan ng naitayo niyang negosyo, natulungan niya ang kaniyang pamilya sa aspektong pinansyal at nasuportahan ang kaniyang pag-aaral. Nakatulong din ito upang siya ay makilala bilang isang glass painting artist, at suportahan ng kaniyang pamayanan ang kaniyang pagsusumikap sa negosyo.
Payo ni Pauline sa kaniyang kapwa kabataan na magtiwala sa sarili at tanggapin ang mga oportunidad na dumarating sa kanilang mga buhay.
“As a student I am always that kind of person that if ever there is an opportunity that is given to me, I will take that opportunity and I want to at least try my best in achieving or fulfilling the opportunity,” saad ni Pauline.