Maituturing na malikhain ang henerasyon ngayon sapagkat kinagigiliwan ng marami ang mga pasyalan na nagtatampok ng sining at tila bang sumisigaw ng ‘post me’ sa Instagram at Facebook mapa-art gallery, museo, tanghalan, at iba pa. Ngunit, sino ang mag-aakala na ang itinatampok na ‘Instagrammable’ wall murals ay likha ng isang alumni ng Greenfield High School (GHS) sa Poblacion, Arakan, Cotabato.
Sa murang edad pa lamang, nakahiligan ni Vence Julian M. Polido na sumali sa mga poster-making at paper mounting contests. Para sa kanya, ito ang ideyal na paraan sa paghasa ng kanyang mga kasanayan.
Dahil dito, marami siyang napanalunan na mga parangal at pagkilala sa lebel ng dibisyon at rehiyon. Bukod pa rito, tumanggap siya ng mga drawing stint sa loob ng kanilang munisipalidad kung saan ang mga kinita niya rito ay ipinangtustos niya sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
Bitbit ang kanyang pangarap na maging isang ganap na arkitekto at mural artist, nilakasan niya ang kanyang loob at agad siyang humingi ng permiso mula sa kanyang magulang upang makipagsapalaran bilang working student at makitira sa kanyang kamag-anak sa Cavite. Malayo man siya sa kanyang tahanan, nakapaghanapbuhay naman siya at nakatulong pa sa kanyang pamilya. Dito niya sinimulan ang Polido Mural Arts, kasama ng kanyang mga katuwang na ngayon ay milyon na ang kinikita.
“Go out of your comfort zones and be courageous in taking risks. Focus on your goals, so you can have the feeling of extreme happiness while giving back to your parents,” pagbabahagi ni Vence ng kanyang mensahe ng inspirasyon at pag-asa.
“Life is not easy, but if you have the eagerness to achieve your dreams, there will be no trials that we cannot overcome. God gives them for a purpose,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, CEO na siya at Founder ng Pulido Mural Arts at mayroon na siyang mahigit 60 na murals na naipinta sa mga pader ng iba’t ibang bahay, opisina, cafes, at resorts sa kabuoan ng CALABARZON at National Capital Region. Ang pagiging viral naman ng young CEO sa vlog ng isang Syrian-born Filipino vlogger at content creator ni Basel Manadil o mas kilala sa social media bilang ‘The Hungry Syrian Wanderer’ ang naging daan sa pagbuo ng partnership kasama ang BOYSEN Philippines at pagpinta sa mga sikat na shopping mall giants tulad ng SM at Robinsons.