Isang pakete ng sipag, dalawang sandok ng tiyaga, at tatlong tasa ng determinasyon – ‘yan ang naging recipe ni James R. Paña, Technical Vocational Livelihood – Cookery NC II Senior High School graduate mula sa Opol National Secondary Technical School sa Misamis Oriental, tungo sa matamis niyang tagumpay.
Bilang isang estudyanteng lumaki sa hirap, sinikap ni James na tuparin ang kaniyang mga pangarap para sa sarili at para sa kaniyang pamilya. Iba’tibang sidelines ang pinasok niya upang matustusan ang kaniyang gastusin sa napili niyang larangan. Ngunit, pagdating ng kanilang on-the-job training ay napawi lahat ng kaniyang paghihirap nang i-hire siya ng Luxe Hotel, isa sa pinaka prestihiyosong hotel sa Cagayan de Oro city bago pa man siya maka-graduate.
Mula rito ay unti-unti nang nagbago ang buhay ni James. Aniya malaking tulong ang kaniyang alma mater sapagkat nahasa ang kanilang kakayahan sa reyalidad ng hotel industry, lalong lalo na sa cookery, food preparation, at food presentation.
“Malaki ang pagpapasalamat ko sa Opol National Technical School Senior High School sapagkat lahat ng itinuro nila sa akin ay nagagamit ko sa aking workplace,” wika ni James.
Sa kabila ng lahat ng hirap at pagsubok na kinaharap ni James, masasabi niyang ang proudest moment niya noong senior high school ay nang pagtiwalaan ng mga tao sa paligid niya ang kaniyang kakayahan kahit na isa pa lamang siyang estudyante. Payo ni James sa mga estudyante ng SHS, “Kunin niyo ang pagkakataong ito upang matuto at huwag kayong panghihinaan ng loob sa mga pagsubok na darating. Dahil ang bawat pagsubok at hirap ay ang daan tungo sa inaasam nating tagumpay.”
Si James ay kasalukuyang head ng pastry department sa Nouveau Resort sa Camiguin Island.