Marami mang pagsubok ang kaniyang kinaharap dulot ng pandemya, hindi ito naging hadlang kay Jestoni A. Rubantes na ipakita sa mundo ng social media ang kanyang natatanging talento.
Nagtapos si Jestoni ng Senior High School sa Pasay City West High School sa ilalim ng Technical Vocational Livelihood track – Information Communication Technology strand noong 2019.
Ngunit sa kabila ng mga pagsubok na kanyang kinaharap, ipinagpatuloy ni Jestoni na abutin ang kanyang pangarap at bumuo siya ng YouTube channel (Guhit Jes) upang ipakita sa mundo ang natatangi niyang kagalingan sa pagguhit.
Sa kasalukuyan, mayroong 500,000 subscribers ang kaniyang YouTube channel kung saan ipinakikita niya rito ang iba’t ibang sketches at animation. Naging tulay rin ang kanyang kasikatan sa social media upang mapansin siya ng mga sikat na television shows sa bansa tulad ng AHA! at sa isang segment ng It’s Showtime na ‘Versus’ kung saan umabot siya sa Grand Finals ng patimlak.
“Nag-isip ako ng paraan kung paano mas ma-appreciate ‘yong gawa ko so naisipan ko ‘yong ambidexterity na maraming ballpen sa daliri. Hindi siya naging madali, mahirap din. Nakakangalay siyang gawain,” ani Jestoni sa kanyang panayam sa AHA!
Ipinakita ni Jestoni sa kanyang kapwa mag-aaral na maaari nating iguhit ang ating mga pangarap at maabot ito kung magsisikap tayo. Mahalaga na maging matatag tayo sa anumang pagsubok na kaharapin.