Aabutin. Tutuparin. Kakamtin. Ilan lamang ito sa mga salitang isinasabuhay Mark Lawrence D. Cayabyab, isang Senior High School graduate at batang negosyante ng Speaker Eugenio Perez National Agricultural School (SEPNAS) sa Schools Division Office – San Carlos City sa Pangasinan, na nangangarap balang-araw na magkaroon ng sikat na café at restaurant.
Bata pa lamang si Mark, nakitaan na siya ng hilig sa pagluluto at pagbebake ng cake. Ngunit dahil sa kahirapan sa buhay, naranasan niyang magbenta ng mga gawa niyang tinapay sa mga kaklase niya at guro upang magkaroon ng sarili niyang baon. Mula sa maliit na halagang tubo kanyang pagbebenta, nakapag-ipon siya at nakabili ng gamit sa pagbe-bake ng cake gaya ng oven, at hanggang sa nakapagpatayo siya ng kanyang munting bakeshop na tinawag niyang “King M Bakeshop.”
Nang makatapos si Mark sa Home Economics-Cookery sa ilalim ng Technical-Vocational Livelihood track sa Senior High School noong taong 2020, ibinahagi niya na mas napalawak ang kanyang kaalaman sa pagbe-bake ng cake at paggawa ng tinapay dahil sa tulong ng kanyang mga magagaling na guro.
“Marami akong naging inspirasyon na naging matagumpay sa pagbe-bake kaya napagdesisyunan kong ipagpatuloy ang napili kong negosyo dahil na rin sa hirap ng buhay at gusto kong matulungan ang aking pamilya, at para na rin matulungan ang aking sarili sa pag-aaral sa kolehiyo,” ani Mark.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Mark sapagkat bukod pa sa hamon ng paghasa ng kakayahan sa larangan, marami rin ang nakapagsabi sa kanya na mahirap panindigan ang pagsabayin ang pag-aaral at pagnenegosyo. Pero, hindi siya nagpadala sa mga ito at patuloy pa siyang nagpursigi dahil sa suporta at tiwala na naramadaman niya mula sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Bunga ng kanyang pagsisikap, pinarangalan siya ng kanyang paaralan bilang Baker of the Year noong taong 2020, kinilala na Work Immersion Awardee para sa Taong Panuruan 2019-2020, at naging passer ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) Cookery National Certificate II noong 2019.
Nag-iwan naman ng payo si Mark sa mga mag-aaral na patuloy na nagsisikap sa kabila ng anomang hamon, “Lagi ninyong isapuso ang inyong pinag-aaralan. Kailangan magsumikap at huwag susuko sa inyong mga pangarap dahil walang imposible sa taong nagpupursigi. Laban lang, walang susuko. Magtiwala sa inyong mga sarili.”