Umani ng mga papuri at parangal ang National Costume ni Miss Universe Nigeria sa katatapos lamang na Miss Universe Competition. At ang nasa likod ng kamangha-manghang costume na ito ay si Kennedy Jhon T. Gasper, isang batang Filipino designer na kamakailan lang ay nagtapos ng Senior High School.
Kumuha si Kennedy ng Home Economics – Fashion and Design sa ilalim ng Technical Vocational Track sa San Mateo Vocational and Industrial High School noong 2018. Mula sa murang edad, kinagiliwan na ni Kennedy ang pananahi at pagdidisenyo ng mga gamit dahil sa kanyang mananahing ina.
Upang matustusan ang kaniyang pag-aaral, tumanggap ng mga raket si Kennedy mula sa mga costumes, dresses for special occasions, hanggang sa nagkaroon siya ng regular clients. Masayang ibinahagi ni Kennedy ang mga parangal na nakamit ng kanyang mga likha sa iba’t-ibang mga okasyon, lalo na sa mga pageant stage kung saan laging panalo ng Best National Costume ang kaniyang mga disenyo.
“Kung makakita kayo ng pagkakataon kung saan kayo ay magniningning, grab it tight, and seize your moment and always carry your burning passion for fashion,” ani Kennedy.
Dahil sa kanyang mga raket, nakilala si Kennedy hindi lamang sa Pilipinas, nagkaroon din siya ng mga kliyente sa ibang bansa. Naging tampok ang kanyang mga obra sa pageant stage. Noong 2020, isinuot ni Miss Universe Philippines 2020 ang kanyang deconstructed suit. Ngayong 2021, bukod sa National Costume ni Miss Nigeria, gawa rin ni Kenndy ang National Costume ni Miss Haiti para sa Miss Universe at Miss Grand International 2021, pati na rin ang costumes ni Miss Utah para sa Miss Teen USA 2021 at Miss USA 2021.
“Maraming beses man akong magkamali, hinding-hindi ako matatakot na magsimulang muli, dahil sa pagkakataong ito, nagsisimula na akong magkaroon ng karanasan,” dagdag pa niya.
Payo ni Kennedy sa kaniyang mga kapuwang designer sa TVL track na magsikap at panatilihin ang alab sa pagdidisenyo. Ngayon na nakatapos sa SHS si Kennedy at mayroon na rin siyang sariling negosyo, nais niyang maging inspirasyon sa mga kabataan na sa kabila ng mga pagsubok ay walang makahahadlang sa kanilang mga pangarap kung sila ay magtitiyaga.
“Magtiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan. Lagi ninyong tatandaan na great things start from small beginnings,” payo ni Kennedy.