Kakaibang dedikasyon, talento, at pagpupursige sa buhay ang naging susi upang maabot ang pangarap na maging isang propesyunal na welder sa Axelum Resources Corporation, isa sa pinakamalalaking kumpanya na nagmamanupaktura at nag-e-eksport ng mga dekalidad at premium na produkto ng niyog. Ang natatanging nasa likod ng tagumpay na ito ay si Oliver N. Laurio na isang Senior High School graduate ng Medina National Comprehensive High School sa Medina, Misamis Oriental.
Nakapagtapos si Oliver ng SHS Technical-Vocational Livelihood (TVL) track na may espesyalisasyon sa Shielded Metal Arc Welding (SMAW) noong 2019 na may honors at ginawaran ng parangal para sa kanyang Outstanding Performance in Work Immersion. Ito ay dahil sa kanyang maalab na determinasyon.
“Ang unang proudest moment ko ay ang araw ng pagtatapos ko sa senior high school kung saan umakyat ang aking ama at ina sa stage at isinabit sa akin ang aking medalya bilang isa sa mga outstanding work immersionist sa aming paaralan. Ikalawa, noong ako ay tumanggap ng unang sweldo ko. Ibinigay ko ang unang kita ko sa mama ko at bumili kami ng masarap na ulam,” saad ni Oliver.
“Talagang malaki ang binago ng aming buhay mula noong ako ay nakatapos ng senior high school, guminhawa na kahit papaano. Hindi ako nagsisisi sa strand na pinili ko,” dagdag ni Oliver.
Hindi naging madali ang kanyang buhay sapagkat habang siya ay nag-aaral, nanilbihan din siya bilang isang part-time welder para makatulong sa pang-araw araw na pangangailangan sa kanilang bahay. Ngunit ang kanyang mga natutunan sa pag-welding ang naging daan upang makamtan niya ang matagal niyang inaasam-asam na tagumpay.
Sa kasalukuyan, nakapagpundar at nakapagpatayo siya ng munting sari-sari store mula sa kanyang kinikita sa kanyang trabaho at nakakapagbigay pa siya ng kalahati ng sahod niya para sa kanyang pamilya sa pagsustento ng kanilang pagkain at fishing boat maintenance.
Ibinahagi naman si Oliver ang kanyang payo para sa lahat ng kumukuha ng TVL track, “Pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral, lahat ng tinuturo ng inyong guro ay lagi ninyong tatandaan at isabuhay dahil ang ganitong linya ng trabaho ay nangangailangan talaga ng tiyaga at pagsisikap.”