Nakasanayan na ng mga Pilipino na sa tuwing kakain, tiyak na may nakahanda na sawsawan mapa-ketchup man ito, toyo, suka, lechon sauce, at kung ano pa para sa pagkain na pinrito, ma-sarsa, o ‘di kaya may sabaw. Kaya naman naisipan ni Francis Zion B. Jerusalem, isang ABM track graduate ng Senior High School sa Lala National High School sa Lanao del Norte na sumabay sa hilig ng marami at gumawa ng inobasyon sa pagkain.
Kuwento ni Francis, nakaramdam siya ng matinding presyur matapos ang pag-aaral noong 2020 dahil sa hamon ng pandemya. Gayunpaman, bilang isang masigasig na tao ay nag-isip siya ng mga paraan upang maging produktibo pa rin sa bahay.
Dahil dito, sinimulan ni Francis ang pagtatayo ng kaniyang food business na pinangalanang ‘Maranding.’ Dito ay gumagawa at nagbebenta siya ng Palapa, isang pampalasang bahagi ng kultura ng mga Maranao. Ang pangunahing sangkap nito ay ang ‘sakurab’, isang native scallion na matatagpuan sa probinsiya ng Lanao. Ito ay sinasamahan din ng luya at sili. Sa kasalukuyan, mayroon nang tatlong produkto ang Maranding—ang Palapa original, Palapa with toasted grated coconut, at chili garlic oil.
Labis na ikinatuwa ni Francis na bukod pa sa kinikita niya mula sa Palapa ay napakikilala pa niya ang sikat na pampalasa ng mga Maranao, at nagagamit niya ang kanyang mga natutunan mula sa tinahak niyang SHS track. Tila forte na niya ang pagnenegosyo dahil naisipan niya rin na gamitin ang talento sa pagdidisenyo. Gumagawa rin siya ng iba’t ibang balloon arrangement para sa iba’t ibang okasyon.
“I think my strand ABM has placed me on the correct track. I can say that the two years in Senior High School had prepared me for where I am now,” pagbabahagi ni Francis.
Mula sa mga tagumpay niya sa kanyang negosyo, nagsilbing inspirasyon si Francis para sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan na sumubok na rin sa pagnenegosyo upang magkaroon ng pinagkakaabalahan at pagkakakitaan na maaari pang magbigay ng layunin tulad ng pagpapalaganap ng mayamang kultura ng kanilang probinsya.
“It made me realize that it’s not just making money, but it’s also about how we can impact change in people’s lives,” ayon pa kay Francis.