Kinahuhumalingan ng mga kabataan sa buong daigdig, lalo na sa Pilipinas, ang panonood ng anime at cartoons dahil sa kamangha-manghang grapiko at animation ng mga palabas nito. Nabuo ang pangarap ni Adrean L. Tolosa na produkto ng unang batch ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) mula sa Pasay City West High School na maging 2D animator dahil sa panonood ng mga animated na palabas.
Nakahiligan niya noon pa man ang pagguhit, lalo na sa kanyang mga paboritong karakter sa papel. Nang siya ay nakatapos noong 2018, inapplayan niya ang scholarship sa CIIT College of Arts and Technology upang hasain ang kanyang kasanayan sa biswal na sining at subukan na maging isang ganap na freelance 2D animator.
Ngunit dahil sa mga pagsubok dala ng mga pangangailangan ng kanyang mga kliyente habang pinagsasabay ang pag-aaral niya, dumating sa kanya ang isa sa pinakamahirap na desisyon sa kanyang buhay na itigil ang kanyang pag-aaral.
Bagaman kumulang ang panahong iginugol sa pormal na pag-aaral, hindi nagpadaig sa sitwasyon si Adrean at naging maparaan siya sa pagpapahusay ng kanyang talent.
“Kahit no’ng bata pa ako, nagdodrowing na talaga ako pero nag-improve ako dahil sa internet. Keep learning lang and study kahit sa sarili lang natin. Andiyan naman ‘yong internet kasi ako, doon lang naman din ako natuto. Maging matiyaga lang tayo at huwag tayo tumigil sa gusto nating gawin, lalo na sa field ng art,” pagbabahagi ni Adrean.
Patunay lamang si Adrean na hindi nasususukat sa layo ng tinapusan ang tagumpay, bagkus mahalaga ang pagiging maparaan. Naging kaliwa’t kanan man ang pagtanggap niya ng kliyente mula sa mga malalaking ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor, hindi ito naging hadlang sa kanyang kagustuhang matuto pa sa larangan at tuluyan na maging isang matagumpay na animator.