Dahil sa husay sa agham, kinilala si Venisce Elisha M. Rodriguez, isang Grade 9 na mag-aaral ng Science Technology and Engineering (STE) sa Dagupan City National High School (DCNHS), Pangasinan dahil sa pagsungkit niya ng bronze medal sa Copernicus Olympiad Global Round – Natural Science Category IV na ginanap sa Houston, Texas, USA. 

“Mahalaga po kasi sa akin ang matuto ng mga bagay higit sa natututunan sa paaralan at ang sukatin ang sarili kong kakayahan base sa international standard at ipakita sa buong mundo na kaya rin ng batang Pilipino makipagsabayan,” ani Venisce, ang nag-iisang Pilipino sa nasabing kompetisyon na kilala sa larangan ng STEM. 

Bilang isa sa mga kalahok na mula sa 20 bansa, nagkaroon ng pagkakataon si Venisce na bumisita sa NASA headquarters at ito ang naging angkop na daan upang mag-enjoy habang natututo sapagkat nagkaroon siya ng pagkakataong makipag-ugnayan pa sa mga kapuwa niyang estudyante mula sa iba’t ibang bansa na pareho ang interes sa larangan ng agham 

Ayon naman sa kanyang nanay na si Engr. Ely Rodriguez, bata pa lamang si Venisce ay madalas na nagkukuwento ng mga nababasa niya tungkol sa viruses at bacteria, astronomy, biodiversity, at kung ano-ano pang may kinalaman sa agham. 

Aniya, si Venisce ay naging consistent sa kanyang passion sa pag-aaral, lalo na sa larangan ng agham at teknolohiya. Ibinahagi ni Engr. Ely na ang pagkapanalo ni Venisce ay “simbolo ng pagiging matatag at pagiging handa ng isang batang Pilipino sa anomang kompetisyong lalahukan nito upang mabigyan ng karangalan ang kanyang paaralan at bansa. As parents, we are truly proud and happy for him.” 

Taos-puso namang pinasalamatan ni DCNHS Principal Willy U. Guieb ang mga magulang, guro, coaches at lahat ng mga bumuhos ng suporta para kay Venisce.  

“More than the honor that you brought to our school, I am more grateful for your courage and perseverance in pursuing what you have always envisioned for yourself. DCNHS will always be one of your pillars of support in your learning journey,” pagmamalaki ni G. Guieb.  

END