Bagong taon at bagong pag-asa ang hatid ng kuwento ng determinasyon, pagtitiyaga, at pagpupursigi ni Gng. Gennie Victoria Panguelo, Teacher III ng Tarukan Elementary School, Tarlac nang siya ay makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa ika-25 niyang subok.
Nang lumabas ang resulta ng October 2022 LET Disyembre 2022, naging viral muli sa social media ang kuwento ng inspirasyon ni Teacher Gennie nang siya ay makapasa sa LET noong 2016.
“Tumalon ako no’n, sumigaw, at umiyak nang marinig ko sa bawat tumatawag na ‘you deserve that license.’ Sa loob ng napakahabang panahon at sa wakas ay nakuha ko ang aking pinakamimithing lisensya. Lahat ng ito ay dahil sa tulong at gabay ng ating Panginoong Diyos, sa mga taong naging inspirasyon ko, aking mga anak, at pamilya,” ani Teacher Gennie.
Sa layunin na makatulong sa kapuwa niyang Aeta sa kanilang komunidad upang mapagtantohan ang kahalagahan ng edukasyon, nagtapos si Teacher Gennie ng kanyang pag-aaral noong 1987 upang simulan ang kanyang misyon. Napagpasiyahan ni Teacher Gennie na unang kumuha ng LET noong 1990 ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nagtagumpay. Gayunpaman, naipagpatuloy pa rin ng guro ang kanyang pagtuturo at hindi siya tumigil sa pagsubok na muling mag-exam dahil alam niya na pangunahing pangangailangan ng isang pampublikong guro sa basic education ang lisensya.
Isang patunay si Teacher Gennie na mula sa kanyang pagpasa sa LET hanggang sa ngayon na nakakapagturo mula sa nakamit niyang Master’s Degree in Filipino sa University of St. Lasalle Bacolod noong Hunyo 2013 at PhD in Teaching and Management sa Lungsod ng Dagupan noong Pebrero 2021 na ang tagumpay ay hindi tumitigil sa isang destinasyon, bagkus ito ay patuloy na paglalakbay.
Mula rito ay nag-iwan ng payo si Teacher Gennie sa mga kabataan na nagnanais na kumuha ng LET balangaraw.
“Sa mga kagaya ko na minsan nangarap na makamit ang lisensya sa pamamagitan ng pagsusulit na LET, magtiwala tayo sa Diyos dahil Siya lang ang nakakaalam ng lahat. Kung kayo ay magre-review, bigyan niyo ng panahon, maging sinsero, at magkaroon ng tiwala sa sariling kakayahan. Kung nabigo man sa unang pagkakataon, sumubok muli. Subok nang subok hanggang sa magtagumpay. Higit sa lahat isuko at magtiwala sa Poong Maykapal.
END