Nagbunga ng parangal ang malikhaing kaisipan ni Ginoong Paul John C. Padilla, Teacher II mula sa Virac Pilot Elementary School sa Catanduanes nang masungkit niya ang First Prize sa Storybook for Young Readers-Category 1 – Grade 5 sa nakaraang 4th National Competition on Storybook Writing (NCSW) na ginanap sa Tanza, Cavite dahil sa kaniyang akdang halaw sa alimango ng Catanduanes.
“Ang mga kuto-kuto ay mga bata at magagandang klase ng alimango kaya’t ito ay inaangkat pa mula sa Catanduanes. Ayon sa isang propesor, malaki ang tsansa na maubos ang mga lahi nito kung ipagpapatuloy ang naturang gawain. Ginawa kong walang sipit ang pangunahing tauhan bilang representasyon ng kawalang-laban nila sa gawaing ito,” paliwanag ni Teacher Paul kung bakit niya pinamagatang “Alimangong Walang Sipit” ang kaniyang akda.
Para sa kanya, napapanahon rin ang aral na nais ibahagi ng kanyang akda. Ito ay nagsasabi na ang pagiging iba ay hindi kakulangan, may magagawang naiiba para sa kapwa at para sa iba pa. “Mensahe ko rito sa mga kabataan na ang pagiging iba ay hindi hadlang upang makagawa ng kabutihan para sa iba, at walang lugar sa ating lipunan ang bullying at nagbibigay lakas sa bawat isa ang pagtanggap sa sariling kahinaan, it’s what makes us unique at beautiful in our own way,” aniya.
Sa proseso ng paggawa ng kanyang akda napagtanto rin ni Teacher Paul na hindi na lamang premyo ang kanyang motibasyon kundi pati ang pagkakataong makapaglathala ng isang obra para sa mga mag-aaral at kanyang mga anak. “Naramdaman ko nalang na gusto ko na lang talaga ang gumawa ng libro, na lumikha pa ng mas maraming kuwentong ganito para sa anak ko at mga estudyante ko. At balang araw, ipagmamalaki ako ng anak ko na gumagawa ang tatay niya ng mga pambatang libro,” aniya.
“Ang pagwawagi ni Paul ay nagbigay ng ibayong sigla sa akin na patuloy na suportahan ang iba pang guro at mag-aaral. Maging daan sana ito upang makahiligang muli ng mga bata na humawak at magbasa ng mga libro at maging inspirado ang lahat ng lumikha rin ng sarili nilang mga kuwento,” ani Punongguro Salve Templo.
Para sa mga aspiring na manunulat, payo ni Teacher Paul na huwag matakot sumubok ng bago. Mahirap man ito sa simula ay huwag matakot magkamali dahil iyon ay paraan para matuto. “Bigyan ang sarili ng pagkakataong matuto sapagkat napakaraming paraan para matuto. Magbasa nang magbasa kung gustong magsulat. Gumuhit nang paulit-ulit nang makaguhit.”
END