Katatagan ng puso sa edukasyon ang isinabuhay ng mag-asawang Edgardo dela Torre at Ma. Rochell dela Torre nang sila ay nagpasiyang magbalik-aral at nakapagtapos sa Alternative Learning System sa Ablayan Community Learning Center sa Dalaguete, Cebu sa elementarya at Junior High School (JHS). 

Kwento ni Edgardo, napagpasiyahan nilang ipagpatuloy ang pag-aaral noong may isang DepEd ALS teacher na si G. Roque Geoffrey B. Villahermosa na pumunta sa kanilang tinitirahan sa Barangay Ablayan, Dalaguete, Cebu at naghahanap ng mga gustong mag-aaral ng ALS. 

Gaano kahirap man ang pinagsabay nilang buhay estudyante at buhay may pamilya, kinaya pa rin nilang makapagtapos. Sabay silang nakapagtapos ng ALS noong Setyembre 6, 2022. Si Edgardo sa elementarya habang naman si Rochell sa JHS. 

Ibinahagi ni Edgardo ang mensahe ng katatagan at pagpupunyagi: “mahalaga talaga ang katatagan, lalo na sa gitna ng kahirapan para hindi agad matalo sa anomang mga pagsubok na dumating sa ating buhay.” 

Sambit naman ni Rochelle, “Huwag susuko sa kahit anong problema sa buhay. Sa pamamagitan ng pagsisikap at panalig sa Panginoong Diyos ay walang pagsubok sa buhay na hindi natin matatalo at makakamtan natin ang ating mga pangarap sa buhay.” 

END