Nakatakdang lumahok sa Nuclear Science and Technology Virtual Competition sa Vienna, Austria sina Alia Daniela Riego at Angelo Gatdula, Grade 12 STEM learners ng Landy National High School sa Sta. Cruz, Marinduque matapos silang mag-qualify sa preliminary round ng nasabing patimpalak dahil sa kanilang presentasyon ukol sa epekto ng plastic pollution upang mapangalagaan ang marine ecosystem.  

Naglalayon ang nasabing patimpalak na isulong ang paggamit ng malikhaing pag-iisip ng mga mag-aaral upang ilahad kung paano nila nakikita ang gampanin ng Nuclear Science and Technology sa pagtamo ng UN Sustainable Development Goals upang labanan ang global plastic pollution, kasama ang International Atomic Energy Agency (IAEA) Nuclear Technology for Controlling (NUTEC) plastic initiative.  

“Nagkaroon po kami ng mga chemical science laboratory experiments bago po magsimula yung classes at nakita po namin don yung pag-isolate ng salt sa sea water at naobserbahan namin na yung mga plastic na kumakalat po sa ating marine ecosystem ay sumasama na sa ating mga kinakain tulad ng isda,” kwento ni Alia kung paano nila nabuo ang kanilang video presentation ukol sa epekto ng plastic. 

Bilang STEM learners, ninanais ni Angelo na maging isang biologist, at si Alia naman bilang isang pediatrician sa hinaharap. Hinikayat din ni Angelo ang mga mag-aaral na pasukin ang STEM strand dahil bukod sa masaya itong pag-aralan ay marami pang gamit ang mga aral dito.  

“Gusto ko pong gamitin ang opportunity na ito to encourage the youth na huwag matakot mag-explore kasi dito sa science, we explore to feed our curiosity and yung benefits na nakukuha natin ngayon ay dahil sa mga scientists na nag-explore na before kung kaya mahalagang pag-aralan ito,” pagbabahagi ni Angelo.  

“Kay Alia at kay Gelo, malaki po ang pananalig ko na makakapasok kami ng rank sa contest na sinasalihan namin at alam ko po kung gaano sila nag-eeffort. Naniniwala po ako na sa darating na February 6 ay magaling na makakasagot sila sa panelists dahil hinubog po sila ng magagaling na teachers ng aming paaralan,” ayon sa Science Teacher at coach na si G. Perry Angelo Manlapaz. 

Nakatakdang maganap ang live virtual competition secondary level sa February 6, 9:00 – 11:30 am (Vienna Time) kung saan magkakaroon ng presentasyon ng mga video entries at question and answer para sa mga kalahok. Mapapanood ito sa https://nsteducationcompetition.com/. 

END