Dahil sa natatanging talento sa pag-awit ni Joella Beatriz Manalili, isang Grade 8 student mula sa Bataan National High School for the Arts (BHSA), nasungkit niya ang Gold Prize para sa Youth Category at ang Outstanding Musicality Special Prize sa Franz Schubert International Music Competition 2022.
Para kay Joella, inaasahan na niya noon na hindi magiging madali ang kanyang mga pagdaraanan sa nasabing kumpetisyon ngunit sa kumpiyansa at tiwala na ibinigay ng kanyang voice teacher na si Gng. Ruby Jean Cortez, ito ay kanyang nalagpasan.
“Noong nagsimula akong magsanay para sa kumpetisyon alam ko na malaking hamon para sa akin ito dahil ito ang aking unang international competition na sasalihan at ang piyesa na gagawin ko ay hindi ganon kadaling ma-execute dahil nangangailangan ito ng matinding voice control,” aniya.
Sa nasabing online music competition, inawit ni Joella ang Du bist die Ruh’, isa sa mga pinakamaganda at pinakamahirap na likha ni Schubert ayon kay Gng. Cortez. “Buti na lang at kabisado ko ito dahil piyesa ko ito noong ako ay nasa konserbatoryo na siya namang binigyan namin ni Joella ng bagong atake,” pagbabahagi ni Gng. Cortez.
Dagdag pa nito, kinailangan niyang ihanda si Joella sa emosyonal at teknikal na aspeto, “Emotionally, by telling her na we are going to win the competition kapag binigay nya ang buong puso nya at kapag sinamahan ng disiplina. Para sa akin kasi, bale wala ang talent kung walang disiplina ang isang musician o isang mag-aaral. Technically, magaling naman ang bata at mabilis maka-pick-up ng instructions pero medyo mahirap i-execute ang piyesa so kailangan ko gumamit ng movements para mas maramdaman at mas ma-execute niya nang maayos ang piyesa.”
Sa panahon ng kompetisyon ay ibayong suporta rin ang natanggap ni Joella mula sa BHSA, ayon kay Deputy Director Bryan Santos na siya ring nagsilbing accompaniment nito. “Nagbigay kami ng extra hours after office hours para sa kanyang practice, lahat kami ay nagtutulong-tulong upang makuha ang tamang interpretasyon ng kanyang piyesa base sa intensyon ng kompositor na si Schubert.”
END