Hinangaan ang isang estudyante mula sa Division of Negros Occidental na si Kim Guanzon, Grade 10 student ng Bulanon Farm School, matapos na ihirang bilang kampeon sa district at division press conference sa kategoryang editorial cartooning.
“Sa pagkapanalo ko, nasabi ko sa aking sarili na, ‘sa wakas, unti-unti ko nang natutupad ang mga pangarap ko,” ika ni Kim.
Kuwento ng kanyang guro at coach na si Bb. Nove Perolino Bantigue, Filipino 7 subject teacher at Teacher I, na simula no’ng siya ay nasa ikapitong baitang ay nakitaan na siya ng galing sa pagguhit sa kabila ng kanyang pisikal na kapansanan. Nasubaybayan din niya ang nakahiligan ni Kim sa pagguhit dahil nagbabahagi siya ng kanyang sariling video sa pagguhit niya ng iba’t ibang larawan sa social media.
Kaya naman ibinida ni Teacher Nove ang kakayahanan ni Kim nang bumalik ang in-person classes at hinikayat na maging kinatawan sa school press conferences bilang isang editorial cartoonist. Sinanay din siya ng kasamahang guro ni Teacher Nove na si G. Jeano T. Mirasol, isa ring tagapayo ng school paper at English Teacher.
Ibinahagi naman ni Kim na bagaman siya ay kabang-kaba sa una, punong-puno naman ng kasiyahan ang kanyang puso nang malampasan niya ang lahat ng mga pagsubok.
“Sa lahat ng aking pag-aalinlangan sa kakayahan ko, nagtagumpay ako at mas lalo ko pang pagsisikapang mapabuti at mahasa ang aking talento. Ibibigay ko ang lahat kong makakaya upang mapagtagumpayan ang mga susunod pang kabanata ng aking buhay,” wika ni Kim.
END