Pinatunayan ng grupong “The Brick Titans, Philippines” na binubuo nina Thoren Garcia, Markus Bellezza, Raphael Dollente, Brent Escalona, Carlo Ramos at Hugo Tan, mga estudyante ng De La Salle Santiago Zobel (DLSZ) sa Lungsod ng Muntinlupa, ang angking talino at galing ng mga batang Pinoy matapos makamit ang Best Coding Award sa ilalim ng Explore Division (ages 6-10) ng FIRST Lego League (FLL) World Championship na ginanap sa Houston, Texas, USA.  

Gamit ang mga piraso ng Lego, lumikha ang DLSZ Brick Titans ng isang modelo ng sustainable community theme park na pinapagana ng enerhiya mula sa renewable sources tulad hangin, sikat ng araw, tubig at biomass.  

Ang kanilang husay sa programming at coding ang naging daan para mapagana nila ang modelo na parang tunay na theme park at mapili ang kanilang disenyo mula sa 98 entries na naglaban-laban.  

May temang SUPERPOWERED, hangad ng season ng kompetisyon na ito na bigyang-pansin ang pandaigdigang pangangailangan para sa sustainable energy at solusyunan ito sa pamamagitan ng fundamental engineering.  

Hinihikayat ng FLL ang mga kabataan na maging future engineer, scientists, at inventors sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon na mahasa ang kanilang kaalaman sa early designing, engineering at computing para sa pagpapalawak ng paggamit ng robotics sa kanilang mga eskwelahan at bigyang solusyon ang mga problema ng mundo. 

END