“Parang abot outer space po ang aking kasiyahan nang malaman kong ako’y nanalo.” 

Nakamamangha ang tagumpay ng Grade 6 learner na si Sol Paul Charis Libiano ng Cabatuan Central Elementary School, sa Cabatuan, Iloilo nang siya ay manalo sa isang International Space Art Contest na inorganisa ng Limitless Space Institute, Crayola Experience, at ng Axiom Space. 

Isa ang likha ni Sol sa nagwagi mula sa 930 entries ng 26 bansang kalahok na inanunsiyo ni John Shoffer, isa sa mga astronaut na nagmula sa International Space Station.  

“Hindi ako makapaniwala na ang aking gawa ay na-appreciate ng mga batikang judges. Isang malaking karangalan po ito hindi lamang sa akin, sa aking pamilya at paaralan kundi maging sa ating bansa,” ani Sol. 

Ang oil pastel drawing ni Sol na pinamagatang Space Travel ay napili nina NASA Icon and Ax-2 Commander Peggy Whitson, Limitless Space Institute Education Director Kaci Heins, Visual Artist and Poet Monique Lorden, at Shoffner batay sa temang “What Would It Looked Like If We Live in Space.” 

Kuwento ng kanyang guro at coach na si Ronie C. Continente, nakitaan niya ng potensiyal si Sol sa art nang siya’y nag-enroll sa kanyang Summer Art Workshop no’ng siya ay nasa Grade 3 pa lamang. Nang bumalik na ang in-person classes ay naging estudyante ni Teacher Ronie si Sol sa Art 6 at napabilib ang guro dahil laging angat ang artworks ni Sol. 

Dagdag pa ni Teacher Ronie, naging pambato rin si Sol ng school sa Editorial Cartooning English sa Congressional at Division Schools Press Conference kung saan nasungkit niya ang 2nd place. 

Nag-iwan naman ng mensahe ng inspirasyon si Sol sa kapuwa niya mag-aaral at kabataan sa pagpupursige para sa kani-kanilang mga pangarap na nais nilang marating. 

“Para sa mga batang may talento sa art at poetry, ibahagi ninyo ang inyong kakayahan. Lumahok kayo kung may oportunidad na darating sa inyo tulad nito. Itong aking pagkapanalo ay nagsimula nang ako’y mag-say yes sa challenge,” pagbabahagi ni Sol. 

END