Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagpatapos ang Talisay City Jail ng 169 na persons deprived of liberty (PDL) sa ilalim ng Senior High School (SHS) Alternative Learning System (ALS) ng Academia System Global Colleges (ASGC) – Cebu, katuwang ang Schools Division of Talisay City, Cebu, nitong Hunyo. 

Mula sa completers ng School Year 2022-2023, nagbahagi ang isang PDL ng kanyang madamdaming kuwento tungkol sa pagnanais niyang bumalik sa pag-aaral matapos mawalay sa kanilang pamilya tatlong taon nang nakalilipas. 

“Binigyan ako ng tsansa na magbago at isinapuso ko po na hindi pa huli ang lahat na sa edad kong ito siguradong mataas pa ang aking mararating sa buhay at puwede ko pang maibalik ang mga pagtitiwalang nawala sa akin at para sa mga pangarap na nais kong abutin,” ani John Rey P. Mirasol, completer ng General Academic Strand (GAS) ng ASGC. 

Ayon kay John Rey, mahalaga ang pag-aaral sapagkat ito ang magiging pundasyon sa pagtataguyod ng magandang kinabukasan, at makatutulong sa pagiging maalam at marunong sa paggamit ng kaalaman sa tunay na buhay. 

“Malaking tulong ang programang senior high school sa mga PDL dito sa Talisay City Jail hindi lamang para sa pagtupad ng kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral kundi ito rin ay makakatulong kahit kaunti upang maiwasan ng mga PDL na mag-isip ng kanilang problema sa pamilya at sa kanilang kaso,” Noel Auman, Jail Officer II, Welfare and Development Staff ng Talisay City Jail. 

Gayundin, ibinahagi ni Dr. Alfonso C. Abasolo, Jr., Education Program Specialist II of ALS, DepEd Talisay City Division, na ang programa para sa PDLs ay nakatulong hindi lang sa pagpapahintulot ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng short courses at skills training ng TESDA kundi pati na rin sa pagiging bahagi nila sa komunidad na may pag-asa pang makapaghanapbuhay at magkaroon ng magandang buhay pagkatapos ng mga hamon na kanilang pinagdaanan. 

Nag-iwan naman ng mensahe ng paghihikayat at pag-asa ang completer na si John Rey sa mga nagnanais na bumalik sa pag-aaral. 

“Sikapin nating makatapos sa pag-aaral dahil isa po yan sa napakalaking ginto na puwede nating maipagmamalaki sa ating buhay na hindi maagaw sa iba. Magagamit din natin to sa pagdating ng panahon na tayo’y makakatulong din sa ating pamilya at sa ibang tao,” wika ni John Rey. 

END